MAYNILA, TULOY ANG PAGBANGON! MGA MODERNONG PROYEKTO, SUNOD-SUNOD NA ITINATAYO PARA SA BATANG MANILENYO
Advertisers
Hindi lamang pangako kundi aktuwal na pagkilos ang patuloy na ipinapakita ng administrasyon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso para sa mga Batang Maynila. Sa gitna ng sunod-sunod na proyekto sa iba’t-ibang distrito ng lungsod, malinaw na layunin ng pamahalaang lungsod na pagandahin hindi lamang ang imprastraktura kundi pati ang kalidad ng pamumuhay ng mga Manileño.
Isa sa pinakamalalaking proyektong kasalukuyang itinatayo ang 10-storey school building ng Ramon Magsaysay High School sa Sampaloc. Sa oras na matapos ito sa unang quarter ng 2027, magkakaroon ng daan-daang modernong silid-aralan, laboratories, e-library, SPED classrooms, gymnasium, at auditorium—mga pasilidad na inaasahang magbibigay ng mas komportable at dekalidad na pag-aaral para sa mga estudyante ng lungsod.
Kasabay nito, mabilis ding umuusad ang Manila-Sacramento Library and Multi-Purpose Building sa Paco na inaasahang magsisilbing makabagong learning at community space para sa mga estudyante at senior citizens. Patunay ito na hindi lamang edukasyon kundi maging kapakanan ng komunidad ang pinagtutuunan ng pansin ng lokal na pamahalaan.
Hindi rin napapabayaan ang kapakanan ng mga nakatatanda at mga pamilya sa lungsod sa pamamagitan ng pagtatayo ng Senior Citizens and Community Pet Park sa Pandacan. Inaasahang magiging ligtas at maaliwalas itong espasyo para sa pahinga, ehersisyo, at bonding ng mga residente kasama maging ang kanilang mga alagang hayop.
Samantala, personal ding sinisiguro ni Mayor Isko ang maayos na rehabilitasyon ng San Nicolas Health Center upang mabigyan ang mga residente ng mas maayos, ligtas, at makabagong serbisyong pangkalusugan.
Sa bawat proyektong unti-unting nabubuo, mas lalong pinatutunayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na ang tunay na serbisyo publiko ay nakikita sa konkretong aksyon at proyektong direktang napapakinabangan ng mamamayan.
***
Patuloy ang pagpapakita ng administrasyon ni Yorme Isko ng agresibong pagtutok sa mga proyektong pang-imprastraktura at serbisyong panlipunan sa iba’t- ibang bahagi ng lungsod. Sa magkakasunod na inspeksyon nitong mga nakaraang araw, personal na binisita ng alkalde kasama si Vice Mayor Chi Atienza at ilang opisyal ng lungsod ang mga pangunahing proyekto na layong mapabuti ang kabuhayan, edukasyon, kalusugan at kalidad ng pamumuhay ng mga Batang Maynila.
Isa sa mga pangunahing binigyang pansin ay ang patuloy na konstruksyon ng bagong Pritil Public Market sa Tondo na muling itinatayo matapos masunog noong Abril 2023. Sa pagbisita ni Isko sa lugar, kinumusta nito ang kalagayan ng mga vendors na patuloy pa ring naghahanapbuhay habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng pamilihan.
Ayon sa Department of Engineering and Public Works (DEPW), nasa mataas na completion rate na ang Phase 1 ng proyekto ngayong Mayo 2026. Tiniyak naman ng alkalde na gagawa ng paraan ang lungsod upang mapabilis ang pagtatapos ng konstruksyon upang makabalik agad sa maayos, ligtas at organisadong pampublikong pamilihan ang mga manininda at residente ng Tondo.
Iginiit din ni Yorme na mananatiling pampublikong pamilihan ang Pritil Market bilang proteksyon sa maliliit na negosyante at ordinaryong mamamayan.
Kasabay nito, ininspeksyon din nina Yorme Isko at VM Chi ang konstruksyon ng Senior Citizens Park at Community Pet Park sa Plaza Azul sa Pandacan. Layunin nga ng proyektong ito na makapagbigay ng maaliwalas, ligtas at makakalikasang open green space para sa mga senior citizen, pamilya, kabataan at pet lovers sa lugar. Bahagi umano ito ng mas malawak na plano ng lungsod na dagdagan ang mga pampublikong espasyo na maaaring mapakinabangan ng komunidad.
Sa sektor naman ng edukasyon, personal ding sinilip ng alkalde ang progreso ng itinatayong 10-storey school building ng Ramon Magsaysay High School sa España Boulevard, Sampaloc. Tatlong buwan matapos muling simulan ang proyekto noong Pebrero, natapos na ang unang yugto habang nagpapatuloy ang kasalukuyang Phase 2 ng konstruksyon.
Kapag tuluyang nakumpleto sa target na unang quarter ng 2027, inaasahang magiging isa ito sa pinakamodernong pampublikong school building sa lungsod na may 209 classrooms, laboratories, e-library, SPED classrooms, gymnasium, auditorium at iba pang pasilidad. Ayon sa alkalde, malaking tulong ito upang mas mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon para sa mga Batang Maynila.
Hindi rin nakalilimutan ng lungsod ang sektor ng kalusugan matapos personal na inspeksyunin ni Mayor Isko ang rehabilitasyon ng San Nicolas Health Center. Matatandaang sinimulan ang full rehabilitation noong Pebrero matapos makita ang hindi maayos na kondisyon ng pasilidad kabilang ang matinding pagtagas ng tubig na nakaapekto sa mga pasyente at health workers.
Ayon sa alkalde, mahalagang maibalik ang maayos, malinis at komportableng health center upang masigurong dekalidad ang serbisyong medikal para sa mga residente ng Maynila at mas maayos din ang working environment ng mga kawani ng kalusugan.
Para sa maraming Manileño, malinaw na ipinapakita ng sunod-sunod na proyektong ito na tuloy-tuloy ang pagpapaandar ng lungsod sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Isko Moreno. Mula sa mga pampublikong pamilihan, parke, paaralan hanggang health centers, unti-unting naipapakita ang layunin ng pamahalaang lungsod na gawing mas maayos, moderno at mas makatao ang Maynila para sa lahat.
***
Sa Bureau of Customs (BOC)-Ninoy Aquino International Airport (NAIA), muling pinatunayan ng matatapang at masisipag na kalalakihan at kababaihan ng Paircargo Assessment Composite Division ang kanilang kahusayan sa ilalim ng pamumuno nina Special Deputy Collector Dr. Siegfred L. Manaois at Assistant SDC Ms. Irene Moreno Concio matapos muling malampasan ang itinakdang target sa koleksyon para sa buwan ng Abril 2026.
Sa ikaapat na magkakasunod na buwan ngayong collection year 2026, muling nakatanggap ng Certificate of Commendation ang dibisyon matapos makalikom ng humigit-kumulang P2.243 bilyon sa kabila ng iba’t ibang hamon at pagsubok na direktang nakaapekto sa pandaigdigang kalakalan.
Ipinakita ng Paircargo Assessment ng Port of NAIA ang patuloy nitong dedikasyon sa mas pinahusay na trade facilitation, episyente at transparent na serbisyo, at mas pinalakas na revenue performance alinsunod sa mga programa ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno na epektibong ipinapatupad ni Maria Yasmin M. Obillos-Mapa, District Collector ng Port of NAIA.
Patunay lamang ito na sa kabila ng mga hamon sa kalakalan, nananatiling matatag at determinado ang mga kawani ng Paircargo Assessment Composite Division sa pagtupad sa kanilang tungkulin para sa bayan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, resksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.