Advertisers
MAYROON palang diumanoy hidden agenda ang botong abstain nina Senador Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito sa pagpapalit ng liderato ng Senado noong Lunes.
Ito ay matapos na umugong ang balitang papalitan daw ni Zubiri ang bagong halal na Senate President Alan Peter Cayetano at kukuha ng suporta mula sa miyembro ng mayorya at Minorya.
Dahilan upang umani ito ng batikos sa publiko dahil sa kanilang paniniwala na kawalan ng paninindigan at pagiging sigurista ng dalawa para sa kanilang sariling interes.
Matatandaang sa sorpresang rigodon sa senado ay pinalitan ni Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa botong 13-9-2.
Na kung saan ang 13 ay boto pabor kay Cayetano samantalang iyong siyam ay kay Sotto at ‘yung dalawa ay abstain na boto nina Zubiri at Ejercito na sinasabing third bloc.
Ipinagtataka ng publiko na sa halip na pumili sina Zubiri at Ejercito sa dalawa ay pinili pang walang iboto na kung saan si Zubiri ay tumatayong Senate Majority Leader sa ilalim ng liderato ni Sotto at si Zubiri ay Deputy Majority Leader naman na pawang parehong kasama ng dating mayorya.
Magugunitang noong si Zubiri ay napatalsik din sa senado at pinalitan ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero noong Mayo 2024 ay umiyak pa ito at naging bahagi ng minorya at huli ay nangalap sila ng boto upang iupo naman si Sotto.
Katwiran ni Zubiri sa kanyang pag-iyak noon sa mismong plenaryo ng Senado matapos siyang mapatalsik sa puwesto ay dahil pinrotektahan at ipinaglaban niya ang “independence ng Senado” laban sa utos at dikta ng mga puwersa sa labas.
Ayon kay kilalang political scientist na si Cleve Arguelles sa isang panayam sa kanya ng programang Ted Failon and DJ Chacha sa 105.9 True FM, tahasan niyang sinabi na ang hakbangin ng dalawa ay “disappointing” o nakadidismaya.
Itinuturing ni Arguelles na ang pag-iwas ng dalawang beteranong mambabatas na magpahayag ng panig ay nagpapakita ng hindi magandang indikasyon sa pananagutan ng mga lider ng bansa.
Binigyang diin pa ni Arguellles na ang pag-atras ng mga mambabatas sa panahon ng malalaking pagbabago sa institusyon ay nag-iiwan ng malaking tanong sa mga botante kung nasaan nga ba ang tunay na prinsipyo ng kanilang mga inihalal na kinatawan kapag dumarating ang mga kritikal na desisyon.
Kaugnay nito sinabi Atty. Ruphil Fernandez Bañoc sa programang Straight to the Point sa DYHP RMN Cebu binigyang-diin nito na ang pagpili ng liderato sa Senado ay usaping konstitusyonal na hindi pwedeng daanin sa “safe play.”
“Hindi puwedeng nagpapaka-neutral lang. Ang pagboto sa pinuno ng Senado ay isang pangunahing tungkulin na nangangailangan ng paninindigan at hayagang tindig sa harap ng taumbayan,” ani Bañoc.
Mapapansin din sa mga komento at talakayan sa social media at iba’t-ibang platform ang paghahayag ng galit ng mga libu-libong taxpayer.
Batay sa mga reaksyon ang pagtatatag na tinatawag nitong “third bloc” ay hindi isang marangal na posisyon kundi isang estratehiya para sa sariling “survival” para sa mga darating na halalan.
Ikinagulat din ng netizens sa platform tulad ng X (dating Twitter) at Reddit ang pagbatikos kina Zubiri at Ejercito sa kawalan nito ng “backbone” o paninindigan ng dalawa.
“Hindi namin kayo ibinoto para lang maging tagapanood sa Senado. Binabayaran kayo mula sa buwis ng bayan para magdesisyon, hindi para mag-neutral kapag nagkakagulo ang pulitika.” ayon sa isang nag-viral na komento ng isang taxpayer.
Tinawag din ng mga online critics sa X (dating Twitter) ang binuong “third bloc” bilang isang kalkuladong “exit strategy” para sa halalan sa 2028 upang hindi masira sa magkabilang paksyon.
“Puro re-election math ang iniisip. Takot silang pumili ng panig kasi baka maiwan sila sa ere sa 2028. Ginamit pa ang terminong ‘independent third bloc’ para lang pagtakpan ang safe play.”
Ang pinal na reaksyon sa social media ay nananatiling hindi paborable sa dalawang senador. Ayon sa mga netizen, ipinakita lamang ng naging hakbang nina Zubiri at Ejercito na mas pinipili ng ilang mambabatas ang sariling proteksyon at taktikal na pag-atras kaysa sa paninindigan sa harap ng bansa.