Advertisers
SINABI ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na dapat magpaliwanag sina Senador Robin Padilla, Senador Alan Peter Cayetano, at Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa pagkawala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado.
Ayon kay Matibag, pagdating sa pagkawala ng senador, ang tatlo ang persons of interest.
Bagamat nilinaw ni Matibag na hindi pa umaabot sa ganitong lebel dahil kapag sinabing persons of interest sila ay kailangang tumugon muna sa kinaroroonan ni Dela Rosa, at hindi pa ito nangangahulugan na sila ay iniimbestigahan na.
Binigyang-diin ni Matibag na dahil isinailalim ng Senado sa protective custody ang senador, kargo nila si Dela Rosa.
Matatandaan, nauna nang kinumpirma ni Senate President Cayetano noong Huwebes, Mayo 14 na wala na sa protective custiody ng Senado si Dela Rosa dahil boluntaryo itong umalis sa premises ng Mataas na Kapulungan.
Kasama umano ni Dela Rosa si Senador Padilla na umalis ng Senate compound bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Huwebes, Mayo 14, ilang oras matapos ang insidente ng putukan sa gusali ng Senado.