Advertisers
PATAY ang isang mataas na lider ng New People Army (NPA) at apat pang kasama nito nang pumalag sa mga otoridad na maghahain ng warrant of arest sa South Cotabato nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang mga napatay na sina Romeo Libron alyas Frank/Melvin, commanding officer ng Regional Ordinance, Regional Operations Command (ROC) ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC); misis niyang si Merly, Rogelio Magsaya alyas Sarge, alyas Macoy, at alyas Megan.
Ayon kay Lt. Gen. Vinluan, Jr., commander ng Western Mindanao Command, 5:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng 5th Special Forces Battalion at PNP 2nd Provincial Mobile Force Company sa Sitio Kebang, Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato.
Sa report, maghahain ng warrant of arrest sa kasong murder laban kay Romeo Libron nang paputukan ang papalapit na mga otoridad.
Gumanti ng putok ang mga operatiba at nagpalitan ng putok na tumagal ng ilang minuto na nagresulta ng pagkasawi ni Romeo, kanyang asawa at tatlo iba.
Ayon sa ulat, pangunahing suspek ang grupo ni Libro sa pambobomba sa mga bus, construction equipments at business establisments sa Central Mindanao kungsaan ang mga may-ari ay tumanggi magbigay ng proteksyon sa NPA.
Wanted si Libron sa mga kasong multiple murder, extortion at arson.
Inilagay naman sa red heightened alert ang 5th Special Forces Battlion sa posibleng pagbawi o pag -atake ng mga rebelde. (Mark Obleada)