Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA live stream ng online show na BrightWin Ninangs Live!, ibinahagi ni Regine Velasquez-Alcasid ang naging karanasan nang makasama niya sa entablado ang kilalang male foreign group na 98 Degrees.
Aniya, may unforgettable experience raw siya sa bokalista nitong si Nick Lachey.
Ito raw iyong panahong nasa GMA 7 pa siya at mainstay ng SOP noong 1999.
Kinanta raw nila ang awiting “The Hardest Thing” at talaga raw nagulat siya sa attitude ni Lachley.
“Iyang si Nick Lachey, nuknukan ng yabang. Nuknukan ng yabang! But the other guys are really cool,” aniya.
Kaya raw naman, sinubukan daw niya itong sampulan.
“Sige ka, mamaya, humanda ka sa akin!” ani Regine sa loob-loob niya dahil sa umano’y kayabangan nito.
Dagdag pa niya, sa rehearsals pa lang ay nagmamagaling na raw ito.
“Biruin mo umpisa pa lang, nagmamagaling! Baklang ito. Humanda ka sa akin, hindi ka na maririnig!” sey ni Regine na aminadong sinadya niyang taasan ang kanyang boses.
“So nagulat siya. Kasi noong nagre-rehearsal kami… nagulat siya, kinain ko talaga siya. Nainis ako kasi parang, ‘Bakla, nasa country ka namin, ha. Huwag kang umarte-arte diyan,” pagbibida niya.
***
Direk Joven Tan, positibo pa rin sa estado ng movie industry sa bansa
Sa kabila ng krisis dala ng pandemya, positibo pa rin ang award-winning composer at acclaimed director na si Joven Tan sa estado ng filmmaking sa bansa.
Aniya, hindi raw naman ang industriya ng pelikulang Pilipino lamang ang apektado ng krisis dahil global phenomenon daw ito at nangyayari maging sa Hollywood.
“I think, this too, will pass. Ang importante sa atin ay magtulungan kung paano natin malalagpasan ang pandemya. Kailangan din natin ang suporta ng gobyerno para makabangon,” sey niya.
Dugtong pa niya, ang pag-switch daw ng mga tao sa panonood ng sine from traditional to digital platforms ay dapat nang asahan.
“It becomes inevitable lalo na’t may pandemic, so, people from the industry have to be creative. Like it or not, parang ito na ang direksyon na patutunguhan lalo pa’t sarado pa ang mga sinehan at takot pang lumabas ang mga tao sa kanilang mga bahay dahil sa virus,” paliwanag niya.
Aniya, kahit pa nga, hindi kumita ang nakaraang online version ng MMFF, positibo pa rin siya na may captive market pa rin ito.
“I think, ang pinaka-hamon sa aming filmmakers is how to be able to improve on our content, considering na marami na ring streaming sites na pinanonood ang mga tao. Kung may maganda kang content, maeengganyo mo ang mga taong manood ng pelikula mo,” bulalas niya.
Tungkol naman sa paggawa ng pelikula noong pre at pandemic days, wala raw itong halos pinagkaiba.
“In terms of production cost or budget, halos pareho lang. Minsan nga, nadagdagan pa dahil you have to observe the minimum health protocols kung saan kailangang ipa-swab mo ang mga artista mo at crew. Pero when it comes to production, wala namang pinagbago, dahil gagastos ka sa artista mo, sa crew, sa publicity,” esplika niya.
Tungkol naman sa pagpapahintulot ng IATF na buksan na ang mga sinehan simula sa Marso 1, pabor siya rito.
“Iba pa rin kasi ang experience kapag nanonood ka ng pelikula sa big screen,”aniya. “Ako, pabor ako basta susundin naman ang health protocols,” dugtong niya.
Dagdag pa niya, makakatulong din daw ito para makabawi ang ekonomiya at makapagbigay ng trabaho sa entertainment industry na labis na naapektuhan ng pandemya.