Advertisers
HUMARAP na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) na sangkot sa umano’y “misencounter” sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Isa-isang kinuhaan ng pahayag ang mga pulis hinggil sa kung ano ang naging partisipasyon nila sa engkwentro na ikinasawi ng limang katao.
Natunton na rin ng NBI ang may-ari ng puting kotse na ginamit ng mga PDEA agents.
Ayon kay Elbert Estores, pitong taon na umanong wala sa kanya ang kotse subalit hindi pa rin napapalipat ang ownership nito kaya lumalabas sa rehistro na nasa pangalan pa rin niya ang kotse.
Nilinaw ni Estores na wala siyang anumang partisipasyon at bilang patunay ay iprinisenta nito sa NBI ang ilang dokumento na magpapatunay na matagal ng wala sa kanya ang kotse.
Magugunitang nagkasagupa ang tropa ng PDEA at QCPD sa labas ng isang fastfood chain sa Commonwealth avenue sa Quezon City.
Kapwa iginiit ng dalawang grupo na lehitimo ang kanilang operasyon.
Hamon naman ni PDEA Director Wilkins Garcia, magre-resign siya kung mapatunayan na nag-sell bust ang mga PDEA agents. (Jonah Mallari)