Advertisers
ISINAILALIM sa apat na araw na lockdown ang dalawang barangay at ilang hotel sa Maynila dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Nakasaad sa nilagdaang Executive Order No. 6 ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, isasailalim sa lockdown ang Barangay 351 at barangay 725 simula Marso 11, Huwebes, mula 12:01 AM hanggang Linggo, Marso 14 sa 11:59 PM.
Ang naturang direktiba ay matapos makapagtala ng 12 aktibong kaso ng COVID-19 sa Barangay 351 San Lazaro, Tayuman at 14 aktibong kaso naman sa Barangay 725 Malate.
Samantala, dalawang hotel naman sa barangay 699 ang isinailalim din sa lockdown dahil sa naitalang kaso ng COVID-19.
Nakapagtala ang Malate Bayview Mansion ng nasa 14 kumpirmadong kaso ng naturang virus habang ang Hop Inn Hotel ay nakapagtala ng tatlong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Yorme, ang mga residente sa mga nabanggit na barangay ay pinapayuhang manatili sa loob ng kani-kanilang kabahayan. (Jonah Mallari/Andi Garcia)