Advertisers
IGINIIT ng mga economic managers ng Pangulong Rodrigo Duterte ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng pagsirit ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Sa isang joint statement, nilinaw nina acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua, Finance Sec. Carlos Dominguez III, at Budget Sec. Wendel Avisado na maaari pa rin itong maisagawa nang ligtas lalo pa’t nagpapatuloy na ang vaccination program ng pamahalaan.
Inihayag din nila na upang mapabilis ang pagsigla ng ekonomiya at paglikha ng marami pang mga trabaho ngayong taon, kailangan ang tinatawag na “three-pronged strategy”.
Una ay ang ligtas na pagbubukas muli ng ekonomiya kasabay ng mahigpit na pagtalima sa health standards.
Ikalawa ang implementasyon ng recovery package, lalo na sa mga napaglaanan na ng pondo ngunit hindi pa tuluyang nagagastos.
Ikatlo ang pagsiguro na naipatutupad ang vaccine program na sasaklaw sa buong adult population.
Pahayag ito ng economic managers matapos tumaas sa 1.6-milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Enero.
Una rito, sa kabila ng tumataas na bilang ng mga kaso, hindi sinang-ayunan ng Malakanyang ang posibilidad na magpatupad muli ng lockdown dahil sapat na naman daw ang bilang ng mga kama sa intensive care units ng mga ospital, maging sa mga isolation facilities. (Josephine Patricio)