Pagdadalawang isip sa bakuna, napalitan na ng tiwala – Isko

240

NAPALITAN na ng tiwala, bunga ng benipisyong dulot nito ang pagdadalawang isip sa bakuna ng mamamayan ng Lungsod ng Maynila.

Ito, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno ay base sa datos ng pamahalaang lokal sa dami ng bilang ng mamamayan na nais magpabakuna sa ngayon, hindi katulad noong unang inilatag ito.

Sa kasalukuyan, ayon kay Moreno ay mayroong 120,000 indibidwal na nabakunahan na ng city government sa ilalim ng superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department sa pangunguna ni Dr. Arnold Pangan. Sa nasabing bilang, 54,000 dito ang tumanggap na ng second dose.

Kapuna-puna, ayon kay Moreno na ang kabibigay pa lamang na bakuna sa lungsod ng national government, na may total na 4,200 doses, ay mabilis na naubos sa loob lamang ng anim na oras.

Dinagdag pa ng alkalde na ang mga taong nagparehistro para sa libreng bakuna sa Maynila ay umabot na sa 329,247 noong May 3, 2021.

Ayon pa kay Moreno, naeengganyo ang publiko kapag nakikita nila na marami ang nagpapabakuna at ang tiwala nila sa bakuna ay tumataas din.

Matatandaan na bago pa dumating ang bakuna, ay panay na ang panghihikayat nina Moreno at Lacuna sa lahat ng residente na samantalahin ang libreng bakuna at binigyan diin din ng mga ito ang kahalagahan ng may bakuna sa katawan dahil sa benepisyong dulot nito.

Si Lacuna ang unang-unang opisyal na nabakunahan dahil siya ay doktor at kabilang sa kategorya na priority list ng national government. Dahil fully vaccinated, si Lacuna ang siyang nagbibigay ng bakuna sa ilang vaccination sites at personal din nagho-‘home service’ upang bakunahan ang mga bedridden at physically-challenged residents na hindi kayang magtungo sa vaccination sites.

Si Moreno ay aktibo at palagiang kinukumbinsi ang mga mamamayan ng lungsod na magpabakuna, dahil aniya hindi man makapagbibigay ng immunity ang bakuna ay makapagdudulot naman ito ng sapat na proteksyon upang hindi mauwi sa severe o critical case sakaling tamaan ng coronavirus.

Nitong Martes, ang city government ay nagbakuna na ng Sputnik V (Gamaleya) vaccines mula sa Russia sa medical at health frontliners na naglilingkod sa national at city health hospitals.

Ang pagbabakuna ay ginawa sa Sta. Ana Hospital sa pamumuno ni Director Dr. Grace Padilla, isang araw matapos niyang samahan sina Moreno, Lacuna and Pangan sa pagtanggap ng bakuna mula sa national government .

Ang nasabi ring ospital ang siyang lugar kung saan naroon ang storage facility para sa bakuna ng lungsod. Nagtataglay ang nasabing facility ng temperature requirement para sa lahat ng vaccine na darating sa bansa. (ANDI GARCIA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.