Advertisers
NAHIGITAN na ng Davao City ang Quezon City sa pagkakaroon ng pinakamataas na average na bilang ng naitatalang daily COVID-19 cases, ayon sa OCTA Research Group.
“Today, nalagpasan na ng Davao City ‘yung Quezon City sa seven-day average. Yung average ng Davao City, 213 cases per day. Sa Quezon City, 207,” ayon kay OCTA Fellow expert, Dr. Guido David, sa panayam ng media nitong Martes. “So Davao City na yung pinakamaraming average number of cases per day.”
Sinabi ni David na hindi niya masabi ang dahilan ng spike ng kaso sa Mindanao ngunit tila nakakalusot, aniya, ang mga biyaherong infected ng virus sa border controls.
Noong Lunes, tinukoy ng OCTA Research ang ilang lungsod sa Mindanao bilang “areas of concern” dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19. Ito ay ang mga lungsod ng Cagayan de Oro, General Santos, Koronadal, Cotabato at Davao.
Sa ulat ng OCTA, ang Davao City ay nakitaan ng 54% pagtaas ng mga kaso ng impeksiyon sa nakalipas na linggo, o mula 134 kaso ay naging 206 kaso mula Mayo 31 hanggang Hunyo 6.
Una nang isinailalim ng national government ang Davao City sa ‘modified enhanced community quarantine’ (MECQ) mula Hunyo 5 hanggang 20 upang matuldukan ang pagkalat pa ng sakit sa lungsod. (Andi Garcia/Jonah Mallari)