INC rally sa EDSA walang permit, walang koordinasyon – MMDA…RALLY NG INC KONTRA PLUNDER CASE NI MARCOLETA
Advertisers
NAGLABAS ng opisyal na pahayag ang Iglesia Ni Cristo (INC) kaugnay ng malaking rally sa EDSA, Freedom Park, at Liwasang Bonifacio nitong Martes.
Tinatayang umabot sa 7,000 katao ang dumalo sa pagtitipon mula 6:45 ng umaga, ayon kay Quezon City Police District (QCPD) spokesperson Major Jennifer Gannaban.
Marami sa mga kalahok ang nakitang suot ang t-shirt mula sa National Rally for Peace ng INC noong Enero 2025 at sa Rally for Transparency and Accountability noong Nobyembre 2025.
Ginawa ang pahayag ng tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala sa Net 25, kungsaan nilinaw niya na
“Hindi tutol ang INC sa pagpapatupad ng batas, pero tutol sila sa pagbaluktot sa batas, lalo na kung ang layunin para pagtakpan ang katiwalian.”
Nitong Lunes, Hunyo 29, 2026, naglabas ng kumpirmasyon si Ombudsman Crispin “Boying” Remulla sa pagsasampa ng kaso nito ngayong linggo laban kay Senador Rodante Marcoleta dahil sa kasong plunder kaugnay ng tinanggap nitong P75 million campaign donation.
“Ang ikinakaso kay Senator Marcoleta ay plunder, na isang non-bailable crime. Samakatuwid, ipakukulong siya at hindi puwedeng magpiyansa hangga’t hindi natatapos ang paglilitis sa kaniya. Sa madaling salita ay hindi na niya maitutuloy ang paglalantad o pag-e-expose sa mga sangkot sa pandarambong na naganap,” sabi ni Zabala.
Kinuwestyon ng INC ang kasong plunder. Wala naman daw nasasangkot na pondo ng bayan sa usaping ito.
“Pero paanong naging plunder ang pagtanggap ng campaign donation o contribution, gayong hindi naman ito galing sa kabang-yaman ng Pilipinas? Ang tinanggap niyang donation ay mula sa mga sumuporta sa kaniyang pagkandidato bilang senador,” pahayag ni Zabala.
Tinukoy din ng INC spokesperson na si Marcoleta ang nagpasimula ng imbestigasyon sa flood control anomaly at, kahit aniya naalis na ito bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ay itinuloy parin ng senador ang paghahanap sa katotohanan.
“Gaya ng alam ng marami na si Senador Rodante Marcoleta ay nanguna sa pag-iimbestiga sa isa sa pinakamalaking pandarambong na naganap sa ating kasaysayan. Sinimulan niya ito nang siya pa ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee. Subalit pinalitan ang liderato ng komiteng ito.
Gayunpaman, itinuloy niya ang paghahanap ng hustisya para sa atin na mga mamamayan. Ang ipinagtataka namin ay kung bakit siya, na nagsusulong sa pag-e-expose ng mga sangkot sa napakalaking pagnanakaw sa Pilipinas, ang kakasuhan at ipakukulong sa halip na ang mga na-expose,” diin ni Zabala.
Nauna rito ay naglabas ng desisyon ang Commission on Elections (COMELEC) na walang katiwalian o iregularidad sa pagtanggap ni Marcoleta ng campaign donation.
“At mismo ang COMELEC ay naglabas ng desisyon na walang krimen na naganap sa pagtanggap niya ng campaign donation.”
Sinabi pa ni Zabala: “Sinusuportahan ng Iglesia ni Cristo ang itinataguyod ni Senator Marcoleta dahil ito rin ang posisyon namin. Nananawagan kami para sa transparency, accountability, justice, and peace.”
Sa huli, nananawagan ang tagapagsalita ng INC na magpapatuloy ito sa paghahanap ng katarungan na matagal nang isinisigaw ng mga Pilipino.
“Kahit ipakulong nila si Senator Marcoleta, hindi kami titigil sa paghingi ng katarungan para sa mga kababayan natin na ninakawan. Gusto naming ipaalam sa kanila na isang injustice ang selective justice at hindi kami mananahimik sa harap nitong napakalaking pagyurak sa katarungan na hinihingi ng ating mga kababayan,” sinabi pa ni Zabala.