Advertisers
UMAPELA ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang at estudyante na bantayan din ang kanilang mga anak at i-monitor ang mga aktibidad ng mga bata lalo na sa social media.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Chief of the District Directorial Staff Police Col. Ricardo Punzalan, kasunod na rin ito ng isang insidente ng pag-post ng isang estudyante sa southern Metro Manila na nagbantang pagbabarilin ang kapwa niya estudyante.
Agad naman anila itong naaksiyunan ng PNP at nakausap ang estudyante maging ng magulang kaugnay ng social media post na posibleng humantong sa karahasan.
Ani Punzalan, ang mga ganitong post pa lamang ay dapat maagapan na kaagad para hindi na lalala ang sitwasyon.
Sa ngayon, patuloy aniya nilang mino-monitor ang mga ganitong post ng mga estudyante para maiwasan ang mga karahasan sa loob mismo ng mga paaralan gaya ng nangyaring shooting incident sa Ateneo de Zamboanga.
Kung matatandaan, ilang estudyante na rin sa iba’t ibang dako ng bansa ang inaresto ng mga otoridad dahil sa mga post sa social media na maghahasik sila ng karahasan sa loob ng campus.
Kaugnay nito, mas pinaigting na rin ng PNP ang police sa mga paaralan sa Metro Manila at magdadagdag ng karagdagang pulis sa paligid ng mga paaralan.