Advertisers

Advertisers

39 lugar sa Metro Manila gagawing underground water facilities

0 4

Advertisers

TUKOY na ng pamahalaan ang 39 na lugar sa Metro Manila para sa mga posibleng proyekto ng pag-iimbak at pagpapanatili ng tubig-baha, habang pinalalawak nito ang mga hakbang upang tugunan ang lalong lumalakas na pag-ulan.

Inilabas ng Malakanyang nitong Huwebes ang listahan ng mga posibleng lugar, kabilang ang mga bakanteng espasyo, parke, pasilidad pang-sports, daluyan ng tubig, wetlands, floodplains, at iba pang lugar na maaaring paunlarin bilang mga detention pond, bioretention area, green corridor, at mga lugar para sa river renaturation (pagpapanumbalik ng natural na anyo ng ilog).

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may humigit-kumulang 30 potensyal na lugar na natukoy para sa underground storage o imbakan ng tubig-baha sa ilalim ng mga kasalukuyang pasilidad, sa tulong teknikal mula sa Netherlands.



Kabilang sa mga lugar na kanyang binanggit ay ang Rizal Memorial Sports Complex, Camp Aguinaldo, at University of Santo Tomas.

Naghihintay ang pamahalaan ng mga detalyadong pag-aaral sa inhinyeriya bago ituloy ang mga iminungkahing proyekto.



Sakop ng mas malawak na listahan ng 39 na lugar ang iba’t ibang lungsod sa Metro Manila, kabilang ang Manila, Quezon City, Pasay, Parañaque, San Juan, Makati, Navotas, Malabon, Valenzuela, Las Piñas, Pateros, Muntinlupa, Caloocan, Mandaluyong, Marikina, Taguig, at Pasig.

Kabilang sa mga iminungkahing lugar ang Rizal Memorial Baseball Stadium at Freedom Triangle Plaza sa Manila; UP Sunken Garden at Miriam College Open Field sa Quezon City; Pasay City Linear Ecopark at ang lugar ng CCP-Roxas Boulevard sa Pasay; at ang mga floodplain ng Marikina River.



Kasama rin sa mga iminungkahing lugar ang Baseco Lagoon, Navotas Coastal Dike, Tanza Marine Tree Park, Maytunas Creek, Ermitaño Creek, Estero de Tripa de Gallina, at Pinagsama Creek.

Gumagamit ang mga proyekto ng iba’t ibang pamamaraan depende sa lugar, kabilang ang paggawa ng mga inland wetland, rehabilitasyon ng bakawan (mangrove), river renaturation, bioretention area, at green corridor.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan sa pamamahala ng baha, na kinabibilangan din ng dredging o paghuhukay sa mga daluyan ng tubig, pagpapabuti ng mga sistema ng drainage, at pagpapalawak ng kapasidad ng mga pumping station. (Vanz Fernandez)