Advertisers

Advertisers

NA-ONSE NG TRESE (Part 3)

0 917

Advertisers

Ni Atty. Nick Nangit

NGAYON naman, uriratin natin ang ilan sa mga nagsiganap.

Unahin natin ang lead star ng Filipino version na si Alexandra Trese.



Malamya, kulang sa emosyon, at hindi ito nakaka-konekta sa manonood na nag-iisip.

Di ko mawari kung naglilitanya pa siya o nakikipagbakbakan na?! Maging sa bahaging nalaman na niya sa diyos ng digmaan na si Talagbusao na pinatay daw ng kanyang ama ang kanyang kapatid na nasa punyal na Sinag, wala man lang hikbi o indikasyon na tumutulo na ang kanyang luha dala ng magkahalong sama ng loob at galit. Hindi ko rin ramdam ang kanyang galit o pagpupumiglas na pagkakahawak sa kanya ng Kambal.



Kumbaga sa musika, napaka-flat ng kanyang pagganap. Ni hindi siya nagparamdam ng kahit anong interes malaman kung ano ang kahalagahan ng pagiging ika-anim na anak sa hidwaan ng sangkatauhan at karit-an. Hindi kapani-paniwala ang pagturing sa kanya na isang lakan. Wala siya sa hulma ng reyalidad.

Parang nagbabasa lang siya lagi ng script, at puro hininga pa ang pumapalit sa bawa’t binibigkas na salita. Para sa isang nanggaling sa teatro at nag voice acting din sa parehong DZRH at DWIZ, masasabi kong hindi niya nabigyang hustisya ang napakahalagang karakter ni Alexandra.



Sa credits ko nalaman, pagkatapos ng anim na episodes na si Liza Soberano pala yun?!

Bakit siya ang kinuha e ang bano pala niya sa voice acting! Sa dami ng mga voice talents sa Pilipinas, siya pa na mukha lang ang puhunan, pero mahina naman ang talento sa pagganap gamit lamang ang boses. Diyan ako nadismaya.

Pinakinggan ko tuloy ang American version.

Ginampanan ni Shay Mitchell ang role. Kilala siya sa YOU at Pretty Little Liars.

Mahusay, may emosyon, at binigyan niya ng buhay ang karakter ni Alexandra.

Kahit “slang” ang kanyang pagkakasalita ng mga diumano’y orasyon, malinaw pa rin at may layuning madarama sa bawa’t incantare. Mahalaga ito, di man niya alam, dahil para maging epektibo ang kahit anumang dasal o mantra, kinakailangang buo at galing sa puso ang ibabatong mga salita sa hangin ng nagsusumamo. Mas kaaya aya siyang pakinggan.

Isunod natin ang pagganap ng tatlong sikat na artista sa Hollywood na may dugong Pinoy.

Sa papel ni Marco, napakahusay ni Darren Criss. Maaalala natin siya sa Glee at Assassination of Gianni Versace: American Crime Story. Sa kanyang pagganap dito, talagang mararamdaman ang pagiging mausisa niya – natural na natural.

Sa papel naman ni Mayor Sancho Santamaria, isa ring napakahusay na pagganap ang ginawa ni Lou Diamond Phillips na kilala sa La Bamba. Ramdam na ramdam ang kanyang pagkauhaw sa kapangyarihan at ang paggamit niya ng kulam makamit lang ito.

At higit sa lahat, maiksi man ang kanyang paglabas sa unang episode, napakagaling na inang Miranda si Nicole Scherzinger. Malumanay ang bawa’t linya, mararamdaman ang kanyang pagmamahal sa anak, at ang pagpipigil bunga ng katungkulan bilang isa ring babaylan.

Nararapat ding purihin ang mga lokal na professional voice talents na sina Simon dela Cruz bilang parehong Basilio at Crispin, Apollo Abraham bilang Kapitan Guerrero, Christopher Carlo Caling bilang Hank, Christian Velarde bilang Nuno, at Eugene Adalia bilang ama na si Anton Trese), kasama ang kanilang mga counterparts na sina Griffin Puatu, Matt Yan King, Eric Bauza, Carlos Alazraqui, at marami pang iba.

Kung magkaroon man ng mga susunod pang Season ang seryeng ito na maipagmamalaki ng ating lahi, sana ay mas lalo pang paghusayin ng mga orihinal na cast ang pagganap sa kanilang mga papel, at sana’y palitan na ang tatayong Alexandra sa Filipino version nito ng isang may tunay na kahusayan sa voice acting at hindi yung kung sino lang na sikat at maganda, bagkus wala namang binatbat talaga sa likod ng mikropono at hindi naman maaaninag ang kanyang pagmumukha.

Sa totoo lang, maging mapili tayo at suportahan lamang ang mga tunay na manlilikha ng sining.

Para sa iba pang kaalaman, mag-Subscribe at Watch lang ng buo, pati ads, sa Nickstradamus channel ng YouTube.

At para naman sa mga katanungang saykismo, gaya ng Orakulo gamit ang tarot cards o mga made-to-order crystals, mag sulatroniko lang sa nickstradamus2018@gmail.com.

Hanggang sa muli, Light Love and Life, Namaste!