Advertisers
HINDI lamang si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Pangulong Rodrigo Duterte ang nakapansin at nagbigay ng papuri sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) makaraang malansag ang isang grupo ng mga drug courier kung saan kabilang na dito ang isang babaeng nag-“viral” sa social media na nananakit ng traffic enforcer nang lumabag sa traffic violation at kalaunan nabuking na drug courier.
Nito Lunes, ginawaran ng “Medalya ng Kagalingan” ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCPO) si SMaRT Chief P/Lt.Col. Rosalino Ibay Jr. bilang pagkilala sa ginawang pag-aresto kina Pauline Mae Altamirano Salamero, alyas Maria Hola Sy, 26, dalaga, model, at residente ng Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City; Rendor Sanchez y Esqueta, 30, binata, walang trabaho, ng Blk 36 Lot 28 Banlic, Calamba Laguna; Jason Soriano, 29, single, vendor, ng Blk 20, lot 28 Villa Palao, Banlic Calamba, Laguna; at Marlon De Guzaman y Acueza, 29, binata, driver, ng Block 10, lot 28 Villa Palao Banlic Calamba, Laguna.
Nasabat sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu kung saan sinampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Sec.11 at 26 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Matatandaan na unang naaresto si Salamero makaraang manakit ito ng isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na humuli sa kanya matapos nitong lumabag sa batas trapiko.
Dahil sa kahina-hinalang galaw ng babae ay nagsagawa ng mas malalimang imbestigasyon si Lt.Col. Ibay hanggang sa mabuking ang mga iligal na droga sa bitbit nitong bag. Agad nagsagawa ng operasyon ang SMaRT na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga kasabwat ni Salamero.(Jocelyn Domenden)