Advertisers
MUKHANG pumasok sa utak ni Isko Moreno ang labis-labis na ambisyon. Tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2022. Susubukan niya na siya ang pangalawang sunod na alkalde ng isang siyudad na maging pangulo ng bansa. Malaki ang tingin niya sa sarili na siya ang political Cinderella sa 2022 at naniniwala siya na mananalo siya sa halalan.
Ipapahayag niya ang kanyang desisyon na lumahok sa halalang pampanguluhan sa susunod na buwan. Palilipasin niya ang Agosto, o “ghost month.” Hindi bantulot si Isko na lumaban kahit ano ang mangyari. Buo ang loob na lalaban ng basagan ng bayag si Isko. Hindi natin alam kung hanggang saan ang itatagal ni Isko.
Back-up si Isko ng Kaliwa dahil itinuturing na galing siya sa sektor ng maralitang taga-lungsod. May suporta umano sa ilang malalaking negosyante – RSA, MVP, RR, at iba pa na kung maaari ay hindi lalantad. Balitang siya ang sinusuportahan ni Mike Arroyo kahit kay Sara Duterte na nakataya si GMA. May suporta umano sa isang paksyon ng National Unity Party (NUP). Siya ang pangulo ng Aksyon Demokratiko, isang natutulog na lapian. May pinanghahawakan na suporta umano si Isko kahit sa mga trapo, tradisyunal na pulitiko.
Ganito ang sitwasyon ni Grace Poe bago ang halalan ng 2016. Siya ang Cinderella dahil nanguna siya sa halalan sa pagka-senador noong 2013. Lumaki ang ulo at labis na bumilib sa sarili. Nanguna sa mga survey at inakala ng marami na siya ang sisilat sa kandidato ni PNoy na si Mar Roxas. Hindi akalain na gugulatin sila ni Rodrigo Duterte.
Bagaman si Isko ang Cinderella sa ngayon, sikat siya sa mga maralitang taga-lungsod. Dahil hindi ganap na nasubukan si Isko sa halalang pambansa, hindi natin gagap kung hanggang saan ang itatagal. Minsan tumakbo sa Senado noong 2016, ngunit natalo siya. Hindi natin alam kung tatanggapin siya sa labas ng Maynila lalo na sa harap ng mga magsasaka, mangingisda, nagmimina o ang sektor na ang kabuhayan sa pananakahan.
Kung ihahambing si Isko kay Grace Poe, hindi tayo sigurado kung kaya niyang kilitiin ang mapanuring panlasa ng nasa panggitnang uri, o middle class, lalo na ang sektor ng mga propesyonal. Hindi natin alam kung tatanggapin siya ng panggitnang uri. Galing sa showbiz si Isko at walang amor ang sektor na ito sa mga galing sa showbiz. Nakita natin kung paano libakin ng panggitnang uri si Erap na nauwi sa pagpapatalsik sa huli noong 2001.
Glamor Boy si Isko at mas hindi natin alam kung lalaban ng salyahan, tulakan, bungangaan, bantaan, at basagan ng pula sa uring sanggano na kaparis ni Duterte. Paano kung tawagan siya ni Duterte at bantaan na patayin sa kampanya? Kayang gawin ito ni Duterte, ngunit may sapat na tapang at sikmura si Isko upang sagutin at labanan si Duterte. Wala sa kanya ang tapang at kaliskis ni Sonny Trillanes.
Sa pagkahaba-haba ng prusisyon, Duterte Boy si Isko. Sa nakalipas na limang taon, walang ginawa si Isko kontra sa abuso ni Duterte sa poder. Sinuportahan ni Isko si Duterte.
Bukod diyan, nagkalat sa social media ang mga larawan ni Isko na kasama si Duterte. Pawang naka-fist salute sila at mukhang ipinangangalandakan ni Isko na suportado niya si Duterte. Hindi siya nangahas na tumayo laban sa malawakang patayan sa ilalim ng bigo ngunit madugong digmaan kontra droga kahit marami sa mga pinatay ang mga taga-Maynila. Sa maikli, duwag si Isko. Ano ang maasahan sa duwag sa paninindigan?
Hindi lang iyan. Hindi malinaw ang totoong paninindigan ni Isko sa maraming usapin. Nang kapanayamin siya ng mga alumni ng Ateneo University upang maintindihan ang kanyang pananaw sa pariralang “healing presidency,” baluktot na katwiran ang isinalubong ni Isko na ikinamangha ng maraming alumni.
Hindi niya idedemanda si Duterte at mga kasapakat. Hahayaan niya na basta bumaba na lamang sa poder at hindi niya papanagutin sila sa kanilang kalokohan sa bansa. Mukhang hindi naaunawaan ni Isko ang ibig sabihin ng katarungan. Wala ito sa kanyang bokularyo. Kawawa ang bansa natin kung siya ang mahalal na pangulo.
***
LAKING gulat namin ng sabihin ni Duterte sa harap ng telebisyon noong hatinggabi ng Martes na huwag pansinin ang Commission on Audit (CoA). Pikon si Duterte sa CoA dahil ginagawa ng tanggapan ang trabaho nito sa ilalim ng Saligang Batas. Kamakailan, iniulat ng CoA na mahigit sa P67 bilyon na budget ng DoH ang hindi nagamit o kahina-hinala ang paggamit bilang tugon sa pandemya sa ilalim ng dalawang batas ng Bayanihan.
Iisa ang ibig sabihin ng mensahe ni Duterte: Ituloy ang isinusumpang nakawan sa gobyerno. Huwag intindihin ang CoA. Basta tuloy ang ligaya. Wala magagawa ang CoA dahil hawak niya ang Office of the Ombudsman na may poder na magsampa ng sakdal sa mga magnanakaw sa gobyerno. Kawawa ang bansa natin.
***
TAMA si Joe Biden na kaya iniwan ng Estados Unidos and Aghanistan at muling bumagsak ang gobyerno nito sa kamay ng mga Taliban sy sapagkat hindi dapat makilahok ang kanyang bansa sa “suliraning panloob” ng Afghanistan. Hindi trabaho ng Estados Unidos ang “nation-building,” o paunlarin ang Afghanistan. May malaking problema ang Amerika na dapat harapin, aniya. Ito ang pandemya.
Hindi ayon sa pambansang interes ng Estados Unidos na manatili sa Afghanistan at humastos ng limpak-limpak na salapi upang mapigilan ng puwersang Taliban sa paglusob ng kanilang gobyerno. Ano naman ang silbi ng bansang ito na kalahati ay bundok. Walang malinaw na kabutihan ang ibibiogay kung mananatili doon ang Estados Unidos. Sakit lang ng ulo sa Amerika ang Afghanistan. Hindi hibang si Biden.
***
MGA PILING SALITA: “With all the anomalies in this administration, the CoA will soon run out of red flags.” – Mackoy Villaroman, netizen
“KATAY DIGONG, IKAW LANG NANINIWALANG WALANG MASAMANG GINAGAWA SI DUQUE DAHIL MAGKASAPAKAT KAYO!!!” – Magnolia Salcedo Zoleta, netizen
“Ayaw ni Duterte ang plagging plagging ng COA, nagkakabukingan na hindi pa simot ni Duque ang kaha ng pera, salapi at kwarta.” – Chi Yap, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com