Advertisers
NANG bumalik noong 2016 sa Senado, agad na sumabak sa trabaho si Senador Panfilo Lacson upang isulong ang mga platapormang binanggit niya sa pangangampanya.
Isa na rito ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) bill na naglalayong direktang i-download sa mga local government units ang mga pondong kanilang kailangan sa pagpapagawa ng mga proyekto.
Ito ay bilang pagreporma sa kasalukuyang kalakaran na mistulang magmakaawa na ang mga opisyales ng pamahalaang lokal sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na nasa Metro Manila at maging sa Senado at Kamara para lamang sila maambunan ng pondong pamproyekto.
Sa mga may pagkakataong makapunta ng Senado at Kamara at natiyempuhan ninyo na nandoon din ang inyong mayor, gobernador o kaya ay barangay chairman, paniguradong ang pakay nila ay ang makiusap sa mga mambabatas na maambunan ng bahagi ng kanilang pork barrel ng kahit na pampagawa lamang ng bilaran ng palay.
Sa ilalim ng naturang panukala ni Lacson, ang mga sumusunod na halaga ay diretsong ida-download sa mga local government units buhat sa national government sa pamamagitan ng tinatawag ng Local Development Fund (LDF):
Mga lalawigan: P500 milyon hanggang P1 bilyon kada taon
Mga lunsod o siyudad: P100 hanggang P200 milyon kada taon
Mga bayan at munisipalidad: P50 hanggang P100 milyon kada taon
Mga barangay: P3 hanggang P5 milyon kada taon
Ang sistemang ito ay solusyon din sa ‘disconnect’ ng mga proyekto ng pambansang pamahaalan na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan, dahil sa ilalim ng kasalukuyang sistema, maraming pagkakataon na ang naibibigay na proyekto sa mga naturang lugar ay hindi yaong pinakakailangan nila.
At dahil diretso na nga sa LGU ang pondo, alam na alam na ng kanilang pinuno kung saan gagastusin ang mga ito, kaakibat ng responsibilidad na iulat sa mga kinauukulan ang kinapuntahan ng pondong nadownload sa kanila.
Si Ping ay totoong nagmamalasakit sa mga LGU.