Advertisers
TINAWAG na scripted at smokescreen lamang para sa mas malaking agenda ang pahayag ni Mayor Sara Duterte na hindi siya tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2022 elections.
Pahayag ni Ron Munsayac, Executive Director ng PDP Laban – Pacquiao Wing, hindi naman sila ipinanganak kahapon at napanood na nila ang ganitong script noong 2016 elections.
Ayon kay Munsayac na minsan nang nabudol budol ang publiko matapos ihayag noon ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya tatakbo sa pagka-Pangulo subalit sa bandang huli ay nag-substitute siya at naging Presidential candidate ng PDP Laban.
Una nang inihayag ni Mayor Sara na hindi siya tatakbo sa Presidential election dahil ang usapan nila ng kanyang ama ay isa lang sa kanila ang tatakbo sa mataas na posisyon sa gobyerno matapos tanggapin ng Pangulo ang pag-endorso sa kanya ng PDP Laban Cusi Wing bilang Vice Presidential candidate sa 2022 elections.
Samantala, inihayag ni Munsayac na lumalakas ang suporta sa planong pagtakbo sa pagkapangulo ni Senador Manny Pacquiao kaya’t sa tingin nila ay maliit ang tsansang piliin nito ang opsyon na magretiro na sa pulitika.