Advertisers
ANG baguhang kompanyang Pharmally na may business capital na higit P600K lamang ang kumita ng limpak limpak na salapi mula sa kaban ni Juan dela Cruz nitong pandemya ng Covid-19.
Ang kompanyang ito, na base sa mga Senate inquiry ay backup ng mga dating presidential appointees na sina ex-Department of Budget (DBM) Undersecretary Christopher Lao at ex-Presidential Economics adviser Michael Young na isinasangkot sa iligal na droga ni dating Police Colonel Eduardo Acierto ng PNP Anti-Drugs, ang nagsuplay ng higit P10 bilyong overpriced medical supplies tulad ng facemasks at faceshields.
Natuklasan sa Senate inquiry, na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon ng Senate Blue Ribbon Committee, na ang ibang supplies ay expired na!
Nabuking din sa 2020 annual audit report ng Commission on Audit (CoA) na pati ang pondo ng Department of Education (DepED) na nagkakahalaga ng P6.65 billion ay inilipat din sa DBM Procurement Services para ibili kuno ng computer hardware at software worth P5.53 billion, at iba pang instructional at learning materials at textbooks worth P502.83 million. Pero wala yatang na-deliver sa mga gamit na ito. Mukhang multo!
Kung tunay, hindi peke, ang galit ni Pangulong Rody Duterte sa korapsyon, bakit hindi niya birahin ang lintik na Pharmally na ito? Bakit hindi niya paiimbestigahan at pakasuhan sa Department of Justice (DoJ) o sa Office of the Ombudsman?, sa halip na kamuhian niya si Gordon sa pagkakabunyag sa “mother of all corruptions” na ito. Mismo!
Nabuking din ni Gordon na ang mga opisyal ng Pharmally ay instantly nakabili ng mga mamahaling mo-delo ng kotse tulad ng Porsche at Lamborghini ng sabay-sabay pagkatapos ng mga multi-billion deal sa gobierno, base sa rekord ng Land Transportation Office (LTO).
Kung ang mga animal opisyal na ito ng Pharmally ay kumita ng limpak what more ang mga opisyal ng DBM at ang pinaka-amo ng mga animal na ito?
Sa tingin nyo ba ibibigay sa Pharmally ang bilyones na mga kontrata ng walang kickback ang mga opisyal ng DBM pati ang pinaka-amo nila? No way!!! Talagang sindikato ang Pharmally-DBM deals. Imposibleng hindi alam ito ng Pangulong Duterte eh truck truck na kuarta ang pinag-uusapan dito, taxpayers money!
Tapos nangutang ang gobierno ng trillion para pambili ng mga PPEs at bakuna kontra Covid-19, na ang mga dumarating ay mas marami pa ang donasyon ng China, Amerika at Japan.
Ang pinakamasaklap pa rito, tanging ang gobiernong Duterte ang ayaw ilantad sa publiko ang deal sa pagbili ng mga bakuna. Samantalang ang ibang bansa tulad ng Malaysia at Indonesia ay isinapubliko kung magkano ang bili nila sa mga bakuna. Tsk tsk tsk…
Sabi nga, kapag pilit na itinatago ang isang bagay, ti-yak mayroong katiwalian. Mismo!
Naniniwala na ako sa sinabi ni Ramon Tufo sa isa sa kanyang mga kolum na ang Duterte administration ay most corrupt kumpara sa mga nakaraang administrasyon mula kay dating Pangulo Fidel Ramos hanggang kay Gloria Arroyo.
Naniniwala rin ako na isa sa mga dahilan kaya ayaw isapubliko ni Pangulong Duterte ang kanyang SALN ay dahil masisilip ang kanyang mga tagong yaman na ibi-nunyag noon ni dating Sen. Antonio Trillanes. Mismo!