Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
ISA sa ikinalulungkot ni Bianca Umali ngayong panahon ng pandemya ay ang pagkawala (muna) ng meet-and greet.
Sa ngayon nga kasi, puro sa pamamagitan ng Zoom o Facebook live ang pakikipag-bonding ng mga tao, maging ng mga artista sa kanilang mga fans.
Uso pa naman sa mga artista ng GMA ang Kapuso Regional shows noong wala pang pandemya, kung saan-saang lugar nakararating ang mga artista ng GMA upang magpasaya at kumustahin ang kanilang mga tagahanga mula sa iba-ibang lugar at probinsiya.
Ngayon naman ay nangyayari pa rin iyon pero virtual na nga lang.
“I am still hoping and looking forward to better days na sana po tayo ay makabalik sa dating normal,” pahayag ni Bianca.
Pinaghuhugutan din kasi niya ng lakas at inspirasyon ang kanyang mga fans and supporters (bukod pa sa kanyang pamilya) kaya nalulungkot si Bianca na hindi (muna) niya nakikita ang mga ito nang personal.
Ikinasisiya kasi ni Bianca na personal niyang nakakaharap, nakakausap at nakakadaupang-palad ang kanyang mga tagahanga, na sa ngayon, dahil nga sa banta ng panganib ng COVID-19 ay hindi posible.
Pero iyon nga, umaasa ang magandang aktres na mtatapos din ang salot ng COVID-19 at muli tayong personal na magkakaharap, magkukuwentuhan at magyayakapan.
Patuloy na napapanood si Bianca sa Legal Wives ng GMA bilang si Farrah. Nasa cast din sina Dennis Trillo bilang Ismael, Alice Dixson bilang Amirah at Andrea Torres bilang Diane.
***
SI Athena Madrid ay unang nakilala bilang Rere Madrid nang sumali siya sa Season 7 ng StarStruck noong 2019.
At ngayong may bago siyang teleserye, ang To Have And To Hold ay labis ang pasasalamat ni Athena sa GMA.
“Sobrang hindi talaga ako makapaniwala talaga, lalo na noong sinabi sa akin ng manager ko na magiging part daw po ako ng cast ng To Have and To Hold.
“Tuwang-tuwa ako, thank you ako nang thank you, at sobrang nakakataba po talaga ng puso.
“Kasi, baguhan pa lang ako pero hindi nila binalewala yung talent na nakikita nila sa akin.
“Binigyan nila ako ng chance para maipakita sa mga tao kung anumang talento na meron ako.
“Sobrang thankful po ako sa GMA sa opportunity na ibinigay nila sa akin.”
Dahil nag-lock in taping sila para sa To Have And To Hold, nahirapan si Athena na mag-adjust sa umpisa ng kanilang “bubble taping”.
“Siguro unang-una na po diyan, nahiwalay ako sa family ko,” saad niya.
“Baby girl pa po kasi ako kaya hindi pa ako sanay na humiwalay sa mom ko or sa daddy ko at sa mga kapatid ko.
“So, dumating talaga ako sa point po na umiiyak ako. Hotel quarantine pa lang, iyak na ako nang iyak.”
Isang advise ng kanyang kuya Ruru Madrid ang laging tinatandaan ni Athena.
“Yung pinaka-natandaan ko lang, sa sobrang daming advice na binigay niya sa akin, siguro iyong palagi ko raw isipin na every time na may gagawin akong scene, palagi ko raw isipin na last ko na yun para mabigay ko raw yung best ko.
“Pero ewan ko kung hindi ako nakikinig, kasi nakaka-take 2 pa rin ako,” at tumawa ang Kapuso actress.
Bida sa To Have And To Hold ng GMA sina Carla Abellana, Max Collins at Rocco Nacino.