Advertisers
KELAN lamang, nagsagawa ng back-to-back operations ang mga operatiba ng Bureau of Immigration-fugitive search unit (BI-FSU) na nagbunga sa pagkakadakip ng isang Amerikano at isang South Korean fugitive sa Bohol at Taguig City ayon sa report kay Bi-chief Jaime Morente.
Ang Amerikanong si Paul Franklin Guzock, 63, ay nadakip ng FSU na pinamumunuan ni Rendel Ryan Sy sa Dauis, Bohol. Siya ay may standing warrant of arrest na inisyu ng US District Court of the Western District of New York noong 2019 dahil sa paglabag sa kanyang ‘supervised release’.
Pinawalang bisa ng US ang pasaporte nito at siya ay isang ‘wanted criminal’ sa naturang bansa.
Ang South Korean fugitive naman na si Park Seonghyeok, 47, ay ‘wanted’ sa kasong cyber prostitution. Siya ay nadakip sa kanyang condominium sa Taguig City.
Ayon kay Sy, hiniling ng South Korean authorities ang tulong ng BI upang matunton si Park na mayroong arrest warrant na pinalabas ng Daejeon district court sa South Korea.
Gaya ni Guzock, itong si Park ay napawalang-bisa na din ang pasaporte at may ‘red notice’ din na ipinalabas laban sa kanya ang Interpol.
Sinabi ni Sy na matindi ang kaso ni Park dahil ayon sa impormasyong mula sa Interpol national central bureau, ito ay nag-aareglo ng mga “commercial sex acts.”
Batay umano sa impormasyon, sinabi ni Sy na noong June 2014, itong si Park at kanyang mga kasapakat ay lumikha ng Internet website na naga-advertise ng mga litrato at profile ng sex workers, kasama na ang presyo na dapat pabayaran ng mga customer kapalit ng sexual services.
Mahigit sa 2,000 bahay-aliwan ang kliyente nitong si Park kaya naman ang kinita na pala nito sa kanyang prostitution racket bago pa siya madakip ay umabot na ng mahigit sa 21 billion won o mahigit US$17.7 billion, dagdag pa ni Sy. Nadakip din ng grupo nina Sy ang Koreanong si Kim Hyundou 38, na may mga kaso naman sa Korea na paglabag sa National Sports Promotion Act, Violation of the Act on Regulation and Punishment of Concealed Crime, Profits of Korea at pagbubukas ng illegal gambling sites gaya ng ‘moby-ro.com, dp-ih.com’ private sports gambling, baccarat at ladder games na may mga servers sa Seoul, Japan at Hongkong.
Umabot sa 1.021 billion won ang kinita niya sa mga naturang kaso at ayon pa kay Sy, ito palang si Kim ay lider din ng pinakamalaking online gambling syndicate na nakakalap ng mahigit 1.3 trillion won o US$1.1 billion mula sa mga manunugal, sa pamamagitan ng 152 fake bank accounts.
Ang tatlong nasabing suspects ay pawang patatalsikin ng bansa at deklarado bilang ‘undesirable and undocumented aliens.’
Congratulations sa grupo ng FSU. Gaya ng dati, talagang kapuri-puri ang kanilang galing sa trabaho.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.