Advertisers
MATUNOG na matunog sa Quezon City na posibleng tatakbo si Anakalusugan Representative Michael “Mike” Defensor sa pagkaalkalde ng lungsod sa halalang magaganap sa susunod na taon.
Lalabanan ni Defensor si Mayor Joy Belmonte na inaasahang pagiging meyor pa rin ng Quezon City ang tatakbuhan upang makadakawang termino na siya kung sakaling manalo.
Hindi ba’t ang tatay ni Belmonte na si Feliciano “Sonny” Belmonte ay naging alkalde ng lungsod nang siyam na taon bago naging kinatawan ng Ikaapat na distrito ng Quezon City sa Kamara de Representantes.
Sa kalaunan ay naging speaker pa ng Kamara.
Batay sa sarbey na minsang inilabas ng pahayagang ‘kakampi’ ni Defensor, numero uno si Joy.
Sa parehong sarbey, ikaapat si Mike kung matuwid pa ang aking memorya.
Batid ng kampo ni Mike na malakas si Belmonte.
Kaya, kung totoong lalabanan ni Defensor si Belmonte sa pagkaalkalde ay gagawin niya ang lahat ng paraan upang manalo sa halalan.
Pokaragat na ‘yan!
Kakaharapin din ni Defensor si dating Mayor Herbert “Bistek” Bautista na napapabalitang nais muling magsilbing alkalde ng lungsod.
Palagay ko, magkakampi pa rin sina Mike Defensor at dating Representative Vincent “Bingbong” Crisologo.
Kakampi pa rin ng dalawa si Edwin Rodriguez na nagpakilalang konektado sa organisasyong “Malayang Quezon City”.
Pokaragat na ‘yan!
Sila-sila pa rin tulad ng halalan noong 2019 — Defensor, Crisologo at Rodriguez.
Alam ng mga journalist na mayroong beterano sa negosyong sugal ang todo-todo ang suporta kay Joy Belmonte.
Malaki nga raw ang puhunan ng naturang negosyante kay Belmonte, kaya naman ‘masyadong’ malakas at matikas ang nasabing negosyante na pasok sa sugal.
Malaki ang galit nito kay Bautista dahil hindi ito nakaporma sa siyam na taong pagiging alkalde ni Bautista.
Tiyak na tiyak ang solidong suporta ng nasabing negosyanteng pasok sa sugal.
Inaasahang tataya rin ang mga ilang gambling lord kay Belmonte upang magpatuloy ang kanilang pamamayagpag tulad ng nangyatari mula nang manalong alkalde si Belmonte.
Pokaragat na ‘yan!
Masyadong mahina ang mga impormante nina Defensor at Crisologo kung hindi nila alam at tukoy ang gambling lord na solido ang suporta kay Joy Belmonte.
Kung magpapaubaya ang mga Crisologo kay Defensor sa pagkaalkalde ay siguradong maglalabas ng milyun-milyong pera ang huli upang tapatan ang makinarya ni Belmonte.
Isa sa posibleng pagkukunan ni Defensor ng pera ay ang kanyang mining company.
Walang masama rito dahil ligal ang negosyo ni Defensor kaysa galing sa iligal na sugal.
Si Defensor ay nagnegosyo tungkol sa pagmimina pagkatapos maging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong si Gloria Macapagal – Arroyo ang pangulo ng bansa.
Inaasahang magkakakat ang perang galing sa mina at perang magmumula sa illegal gambling.