Serbisyo sa Bayan Party ni Belmonte pinakilala ang kanyang mga konsehal para sa Distrito Uno (Arjo Atayde para Congressman)
Advertisers
PINANGUNAHAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapakilala ng kanyang mga minamanok na konsehal para sa Distrito Uno at ang kanyang kandidato para Congressman ang aktor na si Arjo Atayde, sa pormal na pagpiprisenta ng mga kandidato ng kanyang lokal na partido, ang Serbisyo Sa Bayan Party (SBP) nitong Sabado sa Gazebo Royale sa may Visayas Avenue.
Tumatakbo bilang re-electionist na SBP mayoral candidate, sinabi ni Belmonte na kailangan niya ang mahuhusay na mga makakatambal sa pagbibigay ng serbisyo publiko at kilala ng mga taga- QC ang kanyang line-up na mga batikang “public servants.”
Ang mga kandidatong konsehal sa District 1 ay kinabibilangan ng mga re-electionist din gaya ni Konsehal Alex Bernard Herrera; Dorothy ” Dra. Doray” Delarmente; Tany Joe “TJ” Calalay; Joseph Juico; Oliviere “Olie” Belmonte at Charm Ferrer.
Sa pagka-kongresista, ang kandidato ni Belmonte ay ang ‘award winning’ na actor na si Arjo Atayde, Juan Carlos Campo Atayde sa tunay na buhay.
Ipinangako ng mayora na kasama ang kanyang team sa Dist.1 na magtutuloy ng mga kapaki-pakinabang na mga programa di lamang sa unang distrito kung di para sa lahat ng mga QCitizen.
“Ako’y nagagalak na makasama ang mga maaasahan, mga dedikado sa tungkulin at mga taong nagpapahalaga sa kanilang mga kapwa. Hindi po tayo nandito para maghari-harian. Kami po ay nandito at mapagkumbabang inaalay ang aming sarili para sa ikatataas ng antas ng pamumuhay ng pinakamahihirap sa aming mga kababayan,” ang pahayag ni Belmonte sa harap ng mga media.
Si Atayde na bago lamang sasabak sa pulitika ay nagsabi namang siya mismo ang nag-alay ng kanyang sarili kay Belmonte upang makatulong at makapag-lingkod pa sa mga taga-distrito uno ng lungsod.
Umugong na ang pangalan ng aktor ng mag-donate ito ng mga service vehicle sa mga barangay ng District 1 upang magamit sa pagtalima sa pandemyang dala ng virus na Covid-19.