Advertisers
Naga City, Camarines Sur – Patay ang dalawang pulis sa magkahiwalay na pamamaril ng isang lango sa ipinagbabawal na gamot Sabado ng gabi sa Caceres St., Barangay Dinaga dito sa lungsod.
Kinilala ang mga nasawi na sina Police Master Sergeant Romeo B. Padua, nakatalaga sa Police Station 1; at Police Corporal Juarez Del Valle, nakatakaga sa Police Station 5 ng Naga City Police.
Ang salarin ay kinilalang si Jericho Cano, nasa hustong gulang, isang pedicab driver, ng Zone 3, Brgy. Spokoi, Sabang.
Sa panayam kay Police Colonel Marlon M. Catan, direktor ng Naga City Police, naglalakad pauwi ng kanilang bahay si MSgt.Padua galing sa kanyang trabaho nang bigla itong pinalo sa ulo ni Cano gamit ang isang tubo at bumagsakang pulis na nawalan ng malay. Agad kinuha ng salarin ang baril ng pulis at pinutukan ito sa ulo.
Matapos ang pamamaril, naglakad lang ang salarin papalayo sa lugar ng insidente. Pagsapit nito sa Zone 4 ng Barangay Tabuco ay namataan nito ang isa pang pulis, Cpl. Del Valle, at nilapitan saka binaril din sa ulo.
Mabilis na tumakas si Cano, umuwi ng kanilang bahay sa Brgy. Sabang at ipinagsigawan na nakapatay siya ng dalawang pulis. Dahil sa mga sinabi niya ay natunton siya ng mga otoridad. Subali’t imbes na sumuko ay nakipagpalitan pa ito ng putok sa mga pulis, resulta ng pagkamatay nito.
Dati nang nakulong si Cano dahil sa mga kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot. Kabilang din siya sa barangay drug watchlist.
Ayon sa kapatid ni Cano, madalas wala sa hustong pag-iisip ang kanyang kapatid. Madalas daw itong magsalita ng nag-iisa.(Koi Laura/M. Obleada)