Advertisers
NANATILING malinis ang rekord ng Utah Jazz matapos iposte ang ika-apat na sunod-sunod na tagumpay laban sa makulit na Houston Rockets sa iskor na 122-91, sa Toyota Center sa Houston kahapon.
Walang humpay na opensa ang ginawa ng Jazz kung saan pitong players ang nagtala ng double figures.
Kabilang sa mga ito ay sina Rudy Gobert, Donovan Mitchell, Bojan Bogdanovic, Eric Paschall, Hassan Whiteside, Jordan Clarkson at Joe Ingles.
Kabilang sa umeksena ang Fil Am at reigning Sixth Man of the Year na si Clarkson ay nag-ambag ng 16 points.
Ito na ang best start ng Utah sa 4-0 record mula noong 2006-2007 season.
Sa panig ng Houston ang isa pang Fil Am at rookie na si Jalen Green ay inalat at maraming mintis sa 3-point area na umabot sa walong tira na mintis lahat.
Sa kabuuan nagpasok ng 13 puntos si Green. Ito na ang ikaapat na talo ng Rockets.
Si Christian Wood ang nanguna sa Houston na may 16 points.
Samantala, agaw pansin naman ang pagbibigay pugay ng NBA sa Filipino Heritage Month.
Kinilala ng NBA ang pambihirang pagkakataon na dalawang NBA players na may dugong Pinoy ang sabay na nagtalo nitong araw.
Ang mga ina kasi nina Clarkson at Green ay parehong Pinay.
Nagbigay din nang pagsaludo ang NBA sa napakaraming fans sa Pilipinas ng liga at maging sa mga Pinoy na nakatira sa Amerika.