Advertisers
DAHIL sa pagpalo ng COVID-19 reproduction number sa kamaynilaan sa 2.19 mula sa “critical” na 1.47 na naunang naiulat nitong nakaraang linggo, napilitan ang Malacañang na ibalik tayo o ang ating kalagyan sa ALERT LEVEL 3.
Paano naman kasi, tayo rin ay kasisi-sisi. Magmula nang luwagan ng kaunti ang ating mga pagkilos at nailagay tayo sa pinaka-mababang alert status, ay parang mga dagang nakawala sa kanilang lungga ang karamihan sa atin.
Napuno ang mga mall at iba pang mga pasyalan. Dala-dala pa ng karamihan ang kanilang mga anak, mga batang wala pang mga bakuna. Di nga tayo sigurado sa ating mga nakakasalubong kung sila ay bakunado na rin. Lumuwag din kasi ang mga pagbabantay sa mga pumapasok sa mga pasyalan. Ang resulta – mataas na namang bilang ng hawaan at bilang ng mga COVID19 patients sa mga ospital.
So, eto ang siste, balik sa ALERT LEVEL 3, na ang ibig sabihin ay may mga paghigpit na naman na dapat sundin ng bawat isa na namamalagi sa Metro Manila. Mga may edad na 18 pababa ay hihigpitan muling makagala maliban sa mga may kinakailangan bilhin o importanteng mga lakad.
30 percent na kapasidad lamang ng mga indoor activities ang papayagan at dapat ang 30 percent na ito ng mga tao ay dapat lahat bakunado na. 50 percent naman sa mga outdoor na mga pagtitipon. Ibig sabihin limitado na ang dami ng tao na magsasama-sama sa mga lugar, mapaloob o labas man.
Ang pagbibiyahe sa mga kalapit na lugar ng National Capital Region (NCR) ay nasa pagbabawal na ng mga local goverment units (LGUs), sila na rin ang magsasabi kung ikaw ay maaari ngang makabiyahe.
Bawal na din ang face-to-face sa pag-aaral na pinaghandaan pa naman. Maging ang mga ‘contact sports’ hanggang sa basketball ay di na muna pahihintulutan, maliban na lamang kung naka-bubble set- up ito gaya ng mga pambansang mga liga.
Peryahan, carnivals man at mga amusement center para sa mga kabataan ay di muna magbubukas, kasama ang mga lugar ng mga karaoke bar, concert hall at sinehan. Gayundin ang mga casino, karerahan, sabungan at anumang mga tayaan na lugar, maliban kung pinayagan ito ng IATF o’ Office of the President. Buhay na buhay pa din ang talpakan dyan o on-line sabong.
Kung maaari, umiwas sa mga salo-salo sa ating mga bahay na may ibang miyembro ng pamilya. Ang mga ito ay mahalagang sundin lalo na ngayon na may sampu (10) ng kaso ng bagong uri ng virus -ang Omicron. Mahalaga rin ang quarantine o isolation sa mga natesting na mayroong virus.
Pag-iingat ang lahat ng dulo nito, kasi nama’y nasabik tayo sa halos dalawang taon na pabalik-balik na mga lockdown. Walang masamang mangyayari sa atin kung tayo ay talagang sumusunod sa mga alituntuning panglaban sa pandemiya. Maki-isa tayo sa mga pinag-uutos ng pamahalaan upang mawala ang mga virus na ito at makakilos tayo ng maluwag.