Advertisers
GUSTO ni Energy Secretary Alfonso Cusi na i-reopen ng Commission on Election ang filing ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa Eleksyon ‘22.
Sabi niya, “unreasonably, unnecessary and legally impossible” ang petsa ng filing ng CoC ng Oktubre 1 to 8.
Ang dapat, sabi ni Cusi, ang earliest deadline ng filing ng CoC ay dapat Enero 9, base sa Republic Act No. 9369, amended automated election law.
Binanggit din ni Cusi ang Batas Pambansang 881, at RA 7166, na pinapayagan ang mga kandidato na mag-file ng kanilang CoC hanggang sa araw bago magsimula ang kampanya.
Ikinatuwiran rin niya ang RA 8436, nagpapatupad ng CoC filing ng hanggang hindi lalagpas sa 120 days bago ang halalan.
May katuwiran din naman si Cusi dahil ito talaga ang practice noon.
Kaya lang ang Comelec, may kapangyarihan para magtakda ng petsa sa filing ng CoC, inagahan ang filing ng CoC ng mga aspirant para masala at makapagpaimprinta ng balota ng maaga para hindi gahulin sa oras.
Ang mga batas kasi na binanggit ni Cusi ay medyo hindi na obra ngayon dahil napakarami nang nuisance candidates o panggulo na mga kandidato na dapat salain, at halos 70 milyon narin ang mga botante ngayon kaya kai-langan mag-imprinta ng maaga ng mga balota para hindi kapusin sa oras lalo sa pag-deliver ng mga balota sa mga malalayong probinsiya. Mismo!
Pero sa totoo lang, repapips, kaya nag-file ng petition sa Comelec ang PDP-Laban ni Cusi para sa i-reopen ng filing ng CoC ay dahil nawalan sila ng kandidato sa pagka-pangulo matapos magwidro si Senador Bong Go. Hehehe…
Sa last day at last hours ng filing ng CoC noong Oktubre 8. 2021, si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang nag-file ng CoC para sa pagkapangulo sa utos narin daw ni Pangulong Rody Duterte para pambato ng PDP Laban.
Ang tiket ni Dela Rosa ay naka-reserve sana para sa substitution ni Mayor Sara Duterte-Carpio. Pero pagsapit ng Nobyembre 15 deadline sa substitution, si Sara ay nag-file para sa Bise Presidente bilang running ni Bongbong Marcos.
Dahil dito, ang noo’y kandidato sa pagka-Bise Presidente na si Sen. Bong Go ang nag-substitute kay Dela Rosa.
Pero nitong Disyembre, minabuti ni Sen. Bong Go na magwidro narin sa kanyang kandidatura para raw hindi na mahirapan si Pangulong Duterte na mangampanya para sa kanya. Nagwidro rin ang Pangulo sa kandidatura nito sa pagka-Senador.
Kaya ang PDP Laban ni Cusi ngayon ay naka-nganga, walang kandidato. Kaya nais ngayon ni Cusi na ire-open ng Comelec ang filing ng CoC, para makapagpasok sila ng bagong kandidato. Mismo!
At sa tingin ko, ang talagang nasilip ni Cusi kaya gusto nilang magkaroon ng kandidato sa pagka-pangulo ay ang nakabinbin na disqualification case laban kay Bongbong Marcos na convicted ng Quezon City RTC sa tax evasion, na bagama’t ibinaba ng Court of Appeals sa non filing ng income tax return mula 1982 to 1985 ay hindi niya naman ito iniakyat sa Korte Suprema. Tapos lumabas pa sa rekord ng QC RTC na hindi nagbayad si Marcos sa fine na iniutos sa kanya ng Court of Appeals.
Ang petition na ito sa Comelec laban sa kandidatura ni Marcos ay maaring magkaroon ng resolution bago magsimula ang kampanya sa Pebrero 8. Abangan!