Advertisers
Pumalo na sa anim ang namatay habang 33 ang sugatan sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa naganap na riot sa Caloocan City Jail nitong Lunes ng hapon (January 10).
Ito ang ipinahayag ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson JSUPT Xavier Solda at nanatili nasa heightened alert ang naturang piitan habang sinibak na bilang Caloocan City Jail warden si Jail Superintendent Neil Subibi dahil sa command responsibility at humalili si JSUPT Lloyd Gonzaga.
Patay sa grupo ng Commando sina Arturo Biyasa at Hans Omar; habang nalagas sa kampo ng mga Sputnik sina Sherwin Perez at John Patrick Chico.
Kasalukuyan pang inaaalam ang pangalan ng dalawa pang bagong namatay at kung anong kampo sila nagmula.
Ayon sa report, nagsimula ang kaguluhan sa dalawang indibidwal nang sumiklab ang riot sa pagitan ng dalawang pangkat na kinabibilangan ng Sigue Sigue Sputnik at Commando gang.
Sinuri na ng mga awtoridad ang mga selda upang matiyak na wala nang armas ang mga nakapiit.
Pansamantalang itinigil muna ang anumang aktibidad sa pasilidad habang isinasagawa ang malalimang imbestigasyon sa pangyayari.
Samantala, ipinag-utos ni BJMP chief Jail Director Allan Iral sa pamunuan ng BJMP NCR ang pagpapabilis na maibalik ang normalidad sa loob ng Caloocan City Jail.
Nakikipag-ugnayan na ang BJMP sa pamilya na mga namatay na preso sa riot.