Advertisers
Dead-on-the spot ang isang construction worker habang sugatan ang kasamang electrician nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na naka-camouflage habang nag-iinuman ang mga biktima sa isang bahay sa Sitio Maharlica, Brgy. Bat-ongan, Masbate, Lunes ng gabi.
Napuruhan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Arthur Valle Majestral, 47-anyos, residente ng naturang barangay; habang isinugod sa pagamutan ang sugatang si Felix Esquilona Rocha, 30, ng Brgy. Lahong, Baleno, Masbate.
Sa ulat, 10:30 ng gabi habang nag-iinuman ang dalawang biktima sa bahay ng isang nagngangalang Elvie Espinilla nang dumating ang dalawang gunmen na parehong nakasuot ng camouflage.
Sa hindi malamang dahilan walang kaabog-abog na pinagbabaril ng mga salarin si Majestral. Tinamaan naman ng ligaw na bala si Rocha na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Nakuha ng mga rumespondeng barangay tanod sa lugar ang limang basyo ng bala ng Kalibre 45 baril.