Advertisers
KUNG ang ibang lokal na pamahalaan ay kinakapos sa bakuna laban sa COVID-19, hindi ito mangyayari sa Lungsod ng Maynila
“Pumanatag kayo, mga kababayan ko, marami tayong bakuna,” ito ang tiniyak ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso matapos na inspeksiyunin ang Vaccine Storage Facility sa Sta. Ana Hospital nitong Biyernes, Enero 7.
Ayon sa 47-anyos na kandidatong presidente ng Aksyon Demokrtiko, mahigit sa 300,000 doses ng bakuna ang maingat na nakaimbak sa storage facility, kabilang ang 179,000 doses ng Pfizer; 55,000 ng Moderna; 38,000 ng Astrazeneca; 6,500 ng Janssen at 3,700 doses ng Sinovac.
Nitong Sabado ng gabi, tumanggap ng booster shot sa Divisoria at sa Bonifacio Shrine ang mga tsuper, vendor at delivery boys na mula sa pasa Cagayan at Bicol na nagluluwas ng produktong pagkain sa Metro Manila.
“Wala po tayong sini-sino na gustong magpabakuna. Mas mahalaga ay makapagligtas tayo ng buhay, … lahat ay babakunahan, tao ang mas mahalaga sa atin,” sabi ni Yorme Isko.
Kabilang sa mga binakunahan ay mga courier ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, FoodPanda, at Lazada.
Ipinaliwanag ni Isko na hindi niya papayagan mahinto ang pagdadala ng pagkain sa mga bahay-bahay dahil lamang sa pagdami ng tinatamaan ng Omicron.
Ito ang dahilan kaya kahit hindi residente ng Maynila ay iniutos ni Yorme na bigyan ng bakuna at booster shots.
“Kaligtasan ng lahat ang layunin natin kaya bibigyan natin ng proteksiyon ang lahat, lalo na ang mga nagdedeliver ng chicha. ‘Yan ang importante sa amin at sa Metro Manila,” sabi ni Yorme Isko.
“Meron po tayong resources. Tutulong po kami rito sa Maynila sa abot ng aming makakaya. Buhay ang mahalaga, sa tao tayo at sa awa ng Diyos, lagi tayong magkakaroon ng proteksiyon,” sabi ni Yorme Isko.