Advertisers
TUMAYA ang bayan sa maling kandidato noong nakaraang halalan. Eto na ang nangyari: kawalan ng hustisya, kawalan ng direksyon, kawalan ng hanapbuhay, kawalan ng liderato at mga nawalang buhay laban sa lahat ng uri ng laban. Marami ang nagsisi sa nagawa nilang pagsugal ng ihalal nila ang isang lider na madalas umamin na wala itong kaalaman, higit walang malasakit sa bayan. Ang karanasang ito’y nagmulat sa maraming Pilipino na mag-isip sa pagpili ng nais nitong lider ng bansa sa darating na halalan. Hindi na dapat maulit ang karanasang ito, aralan ang napupusuang lider at huwag basta basta pipili ng lider ayon sa sulsol ng mga kakilala o kamag-anak dahil sa lapit nito sa mga nagnanais na mamuno sa bayan. Ang sariling interes ang dala at hindi ang sa bayan, kita ang kinalabasan, kinawawa ang bayan.
Sa halalan pabongahan ang mga kandidato sa ano mang posisyon kung paano sumakay sa tsubibo si Mang Juan upang makuha lang ang boto na maglalagay sa kanila sa posisyon na nagpapanatili sa katayuang pangkabuhayan. Balewala ang gastos sa halalan lalo’t yung mga nasa poder. Hindi iniinda dahil naglalaan na ang mga puno ng pondo na ginagamit sa mga serbisyong kuno na sa totoo’y paghahanda sa kinabukasan nila sa halalan. Basang basa at pulang pula ang mga hasang o ang lukbutan na hindi matuyo-tuyo sa dami ng salaping naiambag ni Mang Juan sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis at ibang transaksyon na ginagawa nito sa pamahalaan. Ang kainaman, walang pakundangan ang pagtustos sa pondo ng bayan gayun ang gawai’y pansariling layon na ipinamumukhang proyekto para sa kagalingan ni Mang Juan. May nagbago ba sa buhay Mang Juan?
Ang kasaysayan ng bayang ito’y kasaysayan ng kahirapan, kasaysayan ng tunggalian na ang mga nasa tuktok ng tatsulok ang nagpapalakad sa kabuhayan na nagpapalayo sa agwat ng kalagayang pangkabuhayan. Ang masakit, may ilang masang Pinoy ang naka ahon sa hirap ang sanay magsisimula ng pag-akyat ng tulad niya ang nakalimot sa pinanggalingan na naging instrumento sa pagsupil sa mga pagbabangon ng kabuhayan para sa lahat. Ang konting ginhawang nakamtan ang naging dahilan upang lumayo sa tuwirang pag-unlad nila Mang Juan, Aling Marya, maging ang mga anak na nagsusumikap ngunit may humahadlang sa kaunlaran..
Ang iilang Pinoy na umunlad na sana’y naging huwaran ng mas nakakaraming tulad niya ang nilamon ng sistema. Sistemang para sa may kaya sa anumang aspeto ng buhay. Ang pagkalinga sa masa’y palabas lamang at hindi tunay dahil ang sariling pagsulong ng kabuhayan ang una di bali ang masa.
Sa kasalukuyan, ang bola ng paghuhusga’y nasa palad ni Mang Juan, sa pagpili ng lider ng bansa’y tuwirang siya ang magpapasya kung sino ang ibig niya. Inilalatag ng nais gawin para sa bansa o bayan sa anu mang uri ng pagtitipon o maging sa mga panayam na. Sa paglapit ng mga ito, Mang Juan huwag mahiya at lakipan ng pagtatanong ang pagsusuri ng malaman kung ano at paano patatakbuhin ang programang pambansa na nais nito na taliwas sa kasalukuyang sitwasyon. Ano ang tuwiran pakinabang ni Mang Juan o kasali lang sa konsultasyon at ‘di sa implementasyon. Maraming umaasa na ang halalan ang tunay na instrumento na nagsasaad ng lakas ng mamamayan, ‘di ng iilan o ng COMELEC na pinagdududahan. Sa paglapit ng mga nagnanais maglingkod kay Mang Juan, kailangang balatan, kaliskisan at suriin kung dala nito ang interes na mag-aahon sa kanya sa kahirapan. Ang dalang plataporma de gobyerno ba’y tunay na magsusulong sa kinabukasan ng bayan para sa pakinabang ng lahat. Ang masusing pagsusuri ang magdadala sa bawat nagnanais na maglingkod ang dapat gawin ng ang kasalukuyang kalagaya’y maging nakaraan na lang. Ang mahusay na lider na nagpapahayag ng mga tuntunin pambayan ang bigyan pansin at hindi ang mga politikong puro pangako na nakapako, na nagpalabo sa kabuhayan ng bansa. Huwag asahan na magagawa ang mga pangako lalo’t ito’y retorika na nakatatawa’y dahil inaaliw lang si Mang Juan upang makalimot sa pasang kahirapan.
Sa pagsusuri, timbangin ang sinasabi sa nakaraan at sa mga ipinapakitang pruweba upang hindi magoyo ng mga paikot na mensahe na siya niyang kagalingan. Naglulubid ng mga datos na akala mo’y magaling at tama. Subalit sa paglaon mapapansin na kumikilos ng pa iba sa sinasabi na tunay na tsinutsubibo lamang si Mang Juan, tunay na walang takwents ang mga pahayag. Walang sinsiredad sa pag-usal ng mga nais gawin at isa lamang itong pahayag na ang tanging nais ang makuha ang pagsang-ayon ng manghahalal. At kung nakuha na ang pagsang-ayon ni Mang Juan, heto bahala na ito sa sarili,dahil ang lahat ay retorikang nakasulat sa tubig.
Sa darating na mga araw, lingo o buwan bababa ang mga nagnanais na magserbisyo kay Mang Juan, kung pahihintulutan na magbago ang kalagayang pangkalusugan. Maghahayag ito ng mga ibig nitong gawin para sa bayan at kung paano, sila lang ang may alam. Hindi mapipigilan na lalapit at magsasabing ako ang ihalal dahil ito ang larawan sa kinabukasan. Mang Juan, huwag ilayo sa iyong karanasan at pandama na ang kasalukuyang uri ng liderato ang nagsadlak sa iyong kabuhayan. Maraming alam ito sa korapsyon, patayan, panlilibak at pagpanig sa mga negosyanteng malapit sa kanyang lukbutan. At kung sino ang dala nito sa halalan, nakakatiyak na magpapatuloy ang kahirapan ng kawawang bayan. Iiwan ang pagbangon sa hinaharap dahil hindi magaganap kung ang mailuluklok tulad ni Totoy Kulambo na mapanlinlang at huwad. Iwan na ang politikang pansarili at isulong ang pakinabang ng lahat. Matagal nang kawawa si Mang Juan at ang pagdarahop sa mahabang panahon ang nakasanayan.
Mang Juan huwag alisin sa puso’t isip na matagal ng nasadlak ang kawawang Bayan sa kahirapan. Ang kaayusan sa lipunan na hindi naging paborable sa kanya sa mahabang panahon ang gawing basehan sa pagpapasya sa halalang darating. Huwag bigyan puwang ang mga lilo, mambobola, butangera, mabisyo, huwad at pektos sa buhay na sinasamantala ang iyong kabaitan. Ang pagpapasya sa halalan ang iyong alas na baraha na batid ng mga lider politika, at basbas na ibibigay mo ang tunay na lakas ng bayan. Ang pagbangon ng kawawang bayan ay nasa iyong harapan, huwag itong hayaan para sa kinabukasan ng iyong bayan mahal.
Maraming Salamat po!!!