Advertisers

Advertisers

Kamangmangan

0 2,928

Advertisers

ISA ang pangkalahatang kamangmangan ng mga botante kung bakit nahalal na pangulo ng bansa si Rodrigo Duterte noong 2016. Ang maling akala ng mga botante ay lubhang napakalaki ng suliranin sa droga noong mga panahon na iyon. Mali ang kanilang akala na maaaring gawin ng isang pangulo ang walang habas na pagpatay sa mga taong nasasakupan. Mali ang kanilang sapantaha na maaaring itabi ang batas at hindi managot ang pangulo na pumapatay.

Mali ang akala na si Duterte ang magliligtas sa bansa at malulutas ang maraming suliranin ng sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Madali silang nagpadala sa mga boladas ni Duterte sa mga botante na puede ang mga patayan sa ilalim ng madugo ngunit nabigong digmaan kontra droga. Batugan, duwag at walang kakayahan si Duterte sa paglutas ng mga suliranin.

Mangmang sa mga botante noon sa pag-imbulog ng pandaigdigang batas sa krimen, o ang tinatawag na international criminal law. Mangmang si Duterte at mga kapanalig na maisaayos ang pandaigdigang sistema sa katarungan kung saan sasagutin niya ang mga patayan sa isang pandaigdigang hukuman tulad ng International Criminal Court (ICC).



Ang buong akala ni Duterte basta siya makakapatay ng mga mamamayan na hindi mananagot sa batas. Dahil sa kanyang kamangmangan, nagulat siya nang isakdal ni Sonny Trillanes at Gary Alejano ng crimes against humanity si Duterte at ilang kasapakat sa ICC noong 2017. May soberanya aniya ang Filipinas at hindi pwede ang “pakikialam “ng ICC sa “panloob na suliranin” ng Filipinas.

Ang problema niya hindi niya alam na may ICC. Hindi niya alam ang santambak na poder nito. Hindi niya alam na isa ang Filipinas sa mga bansa na niratipika ng Rome Statute, ang tratado na lumikha sa ICC. Hindi niya alam na kahit tumiwalag ang Filipinas (ito dahil ay utos niya) noon 2019, sakop pa rin ng pag-uusig ng ICC ang kanyang madugo pero bigong digmaan sa droga.



Dahil sa kanyang kamangmangan, madali siyang nabola ni Harry Roque ang nagpapanggap na expert sa international law ngunit sa totoo mangmang at walang alam. Nagpadala siya sa hiwaga ng dila ni Roque na huwag kilalanin ang ICC. Nahaharap ngayon si Duterte sa formal investigation ng ICC at maaaring siyang dakpin anumang oras dahil sa kanyang krimen kontra sangkatauhan sa maramihang patayan. Hindi niya pwede ikatwiran na mga adik at tulak ang kanyang iniutos na patayin. Labag iyan sa batas.

***



GIBA si Gibo. Ito ang tinuran ng isang netizen nang matunghayan niya ang balita na tutol si Gibo Teodoro sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa malawakang patayan, o extrajudicial killings (EJKs), kaugnay sa sakdal na crimes against humanity na iniharap ng magkasamang Sonny Trillanes at Gary Alejano laban kay Rodrigo Duterte at ilang kasapakat noong 2017 sa ICC.

Ayon sa kanya, pakikialam umano ang ginagawa ng ICC na nagsasagawa ng formal investigation sa maramihang patayan ginagawa ni Duterte kaugnay sa madugo ngunit nabigong digmaan kontra droga. Hindi namin alam kung kabisado ni Gibo ang isyu dahil hindi siya nagbigay ng may katuturang paliwanag. Basta hindi siya payag. Pakikialam umano sa panloob na interes ang siyasatin ng ICC ang giyera kontra droga ni Duterte.

Matagal nawala si Gibo sa larangan ng pulitika. Abot sa 12 taon kung bibilangin ang lahat-lahat mula ng matalo siya sa halalang pampanguluhan noong 2010 kung saan nagwagi ang kanyang pinsan na si Noynoy Aquino. Nagbabalik sa pulitika si Gibo at tumatakbo siyang senador sa ilalim ng tiket ni BBM at Sara.

Kasama niya sa tiket ang ilang laos na pulitiko at payasong Harry Roque na natalo kamakailan nang tumakbo siya bilang director ng International Law Commission. Kulelat si Harry. Labing-isa ang kandidato ng iniharap mula sa rehiyon ng Asya-Pasipiko at dumating siya bilang labing-isa at huli. Nagdiwang ang bansa ng dumating siya na kulelat.

Dahil matagal na nawala si Gibo sa pulitika, hindi niya kabisado ang usapin na hinaharap ni Duterte at mga kasapakat sa ICC. Hindi niya naiintindihan kung ano ang Rome Statute na bumuo at nagbalangkas sa ICC bilang hukumang pandaigdigan ng mga pinunong kumikitil ng buhay ng kanyang mga nasasakupan.

Hindi naiintindihan ni Gibo kung ano ang krimen laban sa sangkatauhan, o crimes against humanity na kinakaharap ni Duterte at mga kaalyado. Bar topnotcher si Gibo. Nanguna siya sa eksamin ng mga manananggol ngunit hindi siya kilalang bihasa sa international law at mas lalo sa international criminal law na isang bagong sangay ng international law.

Pinakamaganda na balikan at pag-aralan muna ni Gibo ang mga isyu na humaharap sa bansa. Dahil sa pagsasalita sa isang isyu na hindi niya kabisado, hindi nalalayo si Gibo sa isang sundalo na padalos-dalos ang kilos sa digmaan. Nakatapak siya ng landmine at sumabog iyon sa kanya.

***

FOLLOW-UP ko ito naunang sanaysay tungkol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Pakibasa:

HAGUPIT NG PPA, MAS MALUPIT KAY ODETTE

Malupit ang hagupit ng bagyong Odette sa Kabisayaan at ilang bahagi ng Mindanao. Dahil na sanay ang mga Filipino sa hagupit ng mga malulupit na bagyo, maluwag itong tinanggap ng sambayanan. “Ganyan talaga ang buhay,” ito ang palasak na katwiran ng mga Pinoy. Pagkatapos magdasal, bumabangon ang mga nasalanta kababayan pagkatapos ng mapaminsalang bagyo.

Ngunit – may malaking ngunit na kasunod. Hindi basta tinatanggap na may susunod na ibang pinsala pagkatapos ng lupit ng bagyo. Kaya nandiyan agad ang gobyerno at mga alagad ng batas. Mahigpit na ipinagbabawal ang agarang pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Pagsasamantala ito sa mga nasalantang mamamayan.

Hindi rin nagpapataw ng bagong buwis ang Kongreso. Hinahayaan muna ang mga nasalanta na makahinga kahit bahagya sa gitna ng pinsala dala ng bagyo. Suspendido ang pagtatas na halaga ng serbisyo. Hindi itinataas ang halaga ng kuryente, tubig, at telepono. Hindi rin itinataas ang halaga ng pasahe sa mga sasakyang pampubliko. Wala muna ang mga iyan.

Ngunit kakaiba ang Philippine Ports Authority (PPA). Pagkatapos humagupit ang bagyong Odette, biglang itinaas ang taripa sa paggamit ng pantalan. Walang kaabog-abog. Wala kahit kapirasong babala. Itinaas ang port users’ fees kahit hindi pa nakabawi ang mga mamamayan sa perwisyo na dala ng bagyo. Basta ganun lang.

Planong ibigay ng PPA sa isang pribadong korporasyon ang usapin ng port users’ fee. Kasama ang pagtatakda (scheduling), pangongolekta, at pagpasa (remittance) ng mga nakolekta sa pamahalaan. Ang layunin ng planong hakbang ay upang maayos ang pangongolekta at mabawasan ang mga kotongan at korapsyon sa mga pantalan. Ngunit nakakapagtaka na kaagad na nagtaas agad ng mga bayarin gayung hindi na nagdedesisyon tungkol sa isyung ito.

Ngayon, may mga pulitiko na sumasawsaw sa isyung ito dahil alam nila na makakabawi sila. Teka, panahon pala ng kampanya sa halalan. Kailangan ng mga pulitiko na magkapera para umandar ang kani-kanilang kampanya. Manmanan ang isyu.

Teka nga pala. Kahit bago humagupit si Odette, tinutulan na ng NEDSA ang mga mungkahing itaas ang halaga ng taripa sa paggamit ng pantalan.