Advertisers

Advertisers

Unfair ang batas sa mahihirap…

0 493

Advertisers

TRENDING ngayon sa social media ang pagkakulong ng isang 80-anyos na si “Lolo Narding” (Leonardo Flores) ng Asingan, Pangasinan dahil sa pamimitas niya ng ilang bunga ng mangga sa hindi niya lupa pero siya naman daw ang nagtanim.

Ang paghuli at pagkulong kay Lolo Narding ay umani ng malaking pagkaawa ng netizens.

Anila, napaka-unfair ng batas para sa mahihirap. Bakit daw ang mahihirap kapag nakagawa ng konting kasalanan ay kulong agad, samantalang ang mayayaman na nangulimbat sa kaban ng bayan at nahatulan na ng korte ay patuloy paring nakalalaya. Mismo!



Ginawang halimbawa ng netizens si dating First Lady Imelda Marcos, ang ina ni presidential aspirant Bongbong Marcos Jr., na nahatulan mabilanggo ng anim hanggang 11 anyos sa bawat bilang ng 7 counts ng Graft noong 2018 ay patuloy paring nakalalaya sa dahilang ito’y matanda na.

Si Imelda ay 92 anyos na ngayon. 89 anyos siya nang mahatulan mabilanggo dahil sa pagnanakaw.

Ilan pa bang opisyal ang nahatulan mabilanggo dahil sa daan-daang milyong piso nilang kinupit sa kaban ni Juan dela Cruz ang patuloy na nakalalaya dahil sa impluwensya, piyansa at pag-apela sa Korte Suprema tulad nina Cebu Governor Gwen Garcia, dating Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Juan Ponce Enrile, Senador Bong Revilla na bagama’t nadismis ang kasong Plunder ay hindi naman niya isinoli ang mahigit P100 million na pinasosoli sa kanya ng Graft court (Sandiganbayan). Ilan lamang sila sa mga halal na opisyal ng gobyerno na ‘guilty’ sa pandarambong pero ‘di nakakulong at patuloy sa pamamayagpag.

Samantalang ang isang “Lolo Narding” na ilang pirasong mangga lang ang pinitas sa punong kanya namang tinanim sa lupa ng kapitbahay ay kaagad kinulong ng walang due process. Lupet!

Ang ganitong maliit na kaso ang karaniwang dahilan ng isang maralita para magrebelde, sumanib sa NPA at iba pang organized armed groups bunga ng sobrang sama ng loob sa gobyerno.



Napaka-unfair ng batas sa mahihirap. Mismo!

***

Mga kabataan, basahin ninyo ito!

Ayaw ni Vice Presidential aspirant Sara Duterte-Carpio ng mga pa-liga, pageant at kung ano-ano pang pa-contest sa fiesta. Waste of taxpayers money lang daw ito.

“Tigilan na natin itong mga liga, mga pageant at kung anu-ano pang ginagawa sa fiesta, dancing contest. Tigilan na natin ‘yan dahil nasasayang ang pera ng gobyerno sa mga ganyan, sa mga trophy at mga kung ano-anong prizes na binibigay natin. Sabi ko, itutok natin ang ating mga Sangguniang Kabataan dito sa Davao City sa disaster preparedness,” diin ng outgoing mayor ng Davao City na anak ni Pangulong Rody Duterte.

Kung sabagay tama naman dito si Mayor Sara. Pero ito kasing mga activities ng kabataan sa mga fiesta ay dagdag kasiyahan din sa mga bakasyunista, bisita at turista na pumupunta sa fiesta para makisaya.

At kadalasan naman ng ginagastos sa mga pageant ay galing sa solicitations mula sa mababait at may kaya sa buhay na mga mamamayan. Mismo!

Isa pa sa mga gusto mangyari ni Sara kapag nahalal siyang Vice President ay magserbisyo muna sa military ang mga 18-anyos na kabataan, bukod pa sa mandatory ROTC sa college.

Say nyo, mga ka-bagets?