Advertisers
ISINULONG o inisponsoran sa Senado ni Senate Committee on Health chairman, Senator Christopher “Bong” Go ang mga hakbang na magtatayo ng mga bagong ospital ng Department of Health sa hangaring mapabuti pa ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.
Binanggit ang COVID-19 kung kaya kailangang pahusayin ang sistema sa pangkalusugan, idiniin ni Go ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga bagong pampublikong ospital, lalo sa kanayunan.
“Sa pandemyang ito, nakita natin kung gaano kahalaga ang investment sa kalusugan. Nahihirapan tayo ngayon dahil hindi natin ito binigyan ng pansin nitong nagdaang mga dekada. Kaya ngayon, nagkulang ang ating mga ospital, kasama ang mga kagamitan para labanan ang pandemya,” ipinunto ni Go.
“Kailangan din nating palakasin ito dahil hindi natin alam kung ilang pandemya pa ang darating. Huwag po nating hintayin na tuluyan nang bumigay ang healthcare system natin at malagay sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Ayon kay Go, ang pagtatayo ng mga ospital na patatakbuhin ng gobyerno ay hindi dapat ituring na gastos o pabigat bagkus at isang investment.
“Dahil sa huli, kapag hindi ‘yan nagawa ng LGU, national government din ang sasalo sa problemang iyan,” ani Go.
Idinagdag ng senador na dapat isulong ng pambansang pamahalaan ang mga hakbangin para maitatag ang mga ospital na ito na lubhang kailangan dahil kritikal ang mga ito sa pagtulong sa mas maraming Pilipino sa buong bansa.
“Ngayon, natuto na po tayo at hindi na natin dapat hintayin na LGU ang magpatayo ng sarili nilang ospital dahil, una, dalawa o mas marami pang probinsya ang makikinabang dito. Upang maging malinaw, ang mga ito ay hindi lamang mga district hospital; ito ang mga Medical Center at General Hospital,” diin ni Go.
Sinabi niya na sa kabila ng pagtaas ng alokasyon ng buwis ng LGUs ngayong taon, maaaring hindi pa rin ito sapat para makapagtayo sila ng sarili nilang mga ospital. Higit pa rito, ipinunto ni Go na maaaring piliin ng ilang LGU na huwag unahin ang pagpapabuti ng kanilang healthcare system.
“Kahit na tumaas na ang tax share ng LGUs, hindi natin hawak ang priority ng LGUs. Hindi natin madidiktahan kung saan nila ilalaan ang pondo. Sa ibang LGU, kulang pa rin ang increase na ito para sa healthcare services nila,” aniya.
Ang mga bagong ospital ng DOH na itatayo sa ilalim ng itinataguyod ni Go ay kinabibilangan ng Ilocos Sur Medical Center, Samar Island Medical Center sa Western Samar, Southern Luzon Multispecialty Medical Center sa Quezon Province, Northwestern Cagayan General Hospital sa Cagayan, Joni Villanueva General Hospital sa Bulacan, at Northeastern Misamis General Hospital sa Misamis Oriental.
Tungkol sa pagpopondo, sinabi ni Go na karamihan sa mga ospital ay mayroon nang pondo para sa paunang konstruksyon mula sa mga nakaraang taon, at lahat ay may mga lote na nakahanda para ibigay sa DOH.
Ipinaliwanag ni Go na sa ilalim ng 2022 Unprogrammed Appropriations, ang gobyerno ay mayroong P4 bilyon para sa Health Facilities Enhancement Program at P9.2 bilyon para sa operasyon ng mga ospital ng DOH sa mga rehiyon.
Nag-isponsor din si Go ng mga hakbang sa pag-upgrade ng mga kasalukuyang ospital ng DOH.