Advertisers
MABILIS na aksyon kontra sa pandemyang COVID-19 kaysa sumali sa presidential interviews.
Ito ang sagot ni Mayor Isko Moreno matapos na basbasan ang pitong bagong panghakot na trak ng Department of Public Services (DPS) sa Mehan Garden nong Lunes, Enero 24.
Mas mahalaga ang buhay ng tao, paliwanag ng 47-anyos na kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Ano raw ba ang silbi ng gobyerno kung mamatay ang tao dahil kulang sa mabilis na kilos para makapaligtas ng buhay bunga ng mga sakit, lalo na ang perwisyong dala ng pandemyang COVID.
“Kailangan maramdaman ng tao na meron syang gobyernong masasandalan,” ani Yorme Isko, at hindi muna niya pag-aabalahan ang pangangampanya.
Kung may pagkakataon, kung may oras pa at hindi babangga sa tungkuling magmalasakit sa paglaban sa COVID-19, hahanap siya ng panahon para sumali kung mayroon presidential interview.
“Basta ako tao muna. Gampanan ko muna ang dapat kung gampanan,” sabi ni Yorme Isko.
Mas pipiliin niya ang trabaho niya bilang alkalde ng Maynila, kaysa ang maging kandidatong pangulo.
“Talagang hindi ko priority sa ngayon ang kampanya,” sabi ni Yorme.
Hanggang posible, dadalo siya sa mga interview, pero mas uunahin ni Isko ang “Mailigtas ‘yung kayang iligtas. Tao muna, ‘dun muna ako….”
Bilang aplikante para sa puwestong pangulo, karapatan ng taumbayan na marinig ang bawat kandidato.
Dahil pasok sa kanyang iskedyul, haharap siya sa interview sa kanya ng ABS-CBN host na si Boy Abunda at sa interbyu ng mga host na sina Melo Del Prado at Kathy San Gabriel ng DZBB/GMA sa mga sunod na araw.
“Pero mas focus tayo ngayon kung paano magliligtas (ng tao) at ang mag-ipon ng maraming anti- COVID-19 drugs such as Baracitinib, Tocilizumab, Remdesivir and Molnupiravir,” sabi ni Yorme Isko.