Advertisers

Advertisers

Comelec Commissioner Rowena Guanzon, lumabag nga ba sa ‘sub judice’ rule

0 201

Advertisers

MAHALAGA sa bawat abogado ang tinatawag na ‘sub judice’ rule.

Ito ang tuntuning nagbabawal sa sinuman na magkomento ukol sa isang nakabinbin na kaso.

Sa batas, ang ‘sub judice’ ay salitang Latin na ‘under a judge’ naman sa Ingles kung saan nangangahulugan na nasa ilalim ng paglilitis o hawak pa ng hukom o korte ang isang kaso o usapin.



Ilang beses nang nilinaw ng mga eksperto sa batas tulad nina Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Domingo Cayosa Jr. at Solicitor General Jose Calida na hindi lamang ang mga ‘directly involved’ sa isang kaso ang sakop ng ‘sub judice’ rule kundi maging ang general public.

Naalala ko lang ang tungkol sa tuntuning ito matapos isapubliko ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang kanyang pagpabor sa pagdiskuwalipika kay dating Senador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Eleksiyon 2022.

Ang masama, ipinaalam ni Guanzon ang kanyang boto laban kay Marcos kahit na wala pa namang inilalabas na pasya ang ponente o writer ng hatol na si First Division Commissioner Aimee Ferolino.

Naniniwala si Guanzon na may ‘moral turpitude’ daw talaga, base sa ebidensya at batas, patungkol sa dating kaso ni Marcos na may kaugnayan sa hindi pagbabayad ng buwis.

Ayon kay Guanzon, isinumite niya ang kanyang opinyon sa dalawa pang kasama sa dibisyon na sina Commissioners Ferolino at Marlon Casquejo at iba pang mga commissioners ng komisyon.

Maliban dito, binanggit ni Guanzon na may natatanggap daw siyang impormasyon na may kumikilos para maimpluwensiyahan ang mga commissioners.



Inaapura raw kasi ni Guanzon na maresolba nang mas maaga ang kaso para na rin sa kapakanan ng lahat ng mga kinalaman daw dito.

Maaaring ang boto niya raw para ma-disqualify si Marcos ang dahilan kaya iniipit ang desisyon at hindi ang kanyang pagreretiro sa Pebrero 2.

Ang gusto raw ni Guanzon, wala siyang iiwanang kaso sa pag-alis niya sa Comelec.

Nang hingan ng komento si Ferolino sa pahayag ni Guanzon, sinabi ng opisyal na hindi pa raw siya maaaring maglabas ng komento ukol dito dulot ng ‘sub judice rule.’

Agad namang pumalag ang abogado ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si Atty. George Briones kasabay ng panawagan sa pamunuan ng Comelec na imbestigahan ang paghahayag ng impormasyon ni Guanzon sa publiko ukol sa kaso ni Marcos kahit na wala pa namang promulgasyon dito.

Ipinahiwatig ni Briones na parang walang ‘delicadeza’ si Guanzon dahil malinaw daw na kumikiling ito laban kay BBM.

Sa isang post naman sa Twitter, hinamon ni Guanzon si Briones ng debate sa telebisyon para malaman daw kung sino sa kanila ang mas mahusay sa batas.

Nagmamagaling daw si Briones.

Para kay Guanzon, isa siyang impeachable officer kaya’t hindi siya maaaring imbestigahan ng Comelec En Banc, bagay na sinalungat ng ilang law expert, dahil pagkatapos daw ng Pebrero 3 na araw ng kanyang pagreretiro ay isa na lamang itong pangkaraniwang abogado.

Kung hindi ako nagkakamali, si Guanzon ay itinalaga ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino sa kanyang revolutionary government bilang OIC o officer-in-charge mayor ng Cadiz, Negros Occidental noong 1986.

Noong 2013, iniluklok si Guanzon bilang Commission on Audit (COA) commissioner ng anak ni Corry na si late President Benigno “Noynoy” Aquino III.

At noong 2015, si PNoy din ang nagtalaga kay Guanzon bilang Comelec commissioner.

Kaya para kay Briones, dapat nag-inhibit si Guanzon sa disqualification cases laban kay BBM.

Giit pa ni Briones: “Commissioner Guanzon has shown undue interest in this case by leaking her decision before its promulgation.”

Ang paglalabas daw ni Guanzon ng kanyang boto sa kaso kahit wala pang desisyon ang unang dibisyon o ang writer ng hatol ay pagpapakita ng tunay niyang tulay na “dilaw.”

Well, kayo na po ang bahalang humusga!

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More