Advertisers
PATULOY ang pagdurusa ng mga tsuper simula ng pumasok ang pandemya sa bansa. Marami sa kanila ang hindi makalabas sa pasada na nagresulta sa kawalan ng hanapbuhay at mapapakain sa pamilya. Marami sa mga anak ang tumigil sa pag-aaral dahil hindi matustusan ang araw-araw na pangangailangan, maging sa kawalan ng computer na magamit sa virtual classes na pinaiiral sa ngayon ng maraming paaralan. Hindi lang ito ang inaalala ng mga obrero lalo na ang mga tsuper, nariyan ang todo ingat na hindi magkaroon ng Covid 19 na maging dahilan ng pagkasaid ng naipong pera na pantawid buhay ng pamilya.
Sa kasalukuyan, marami sa mga tsuper na nabanggit ang nasa gitna ng kalye na nanghihingi ng ayuda o tulong sa mga suking pasahero upang may maipantustos sa bawat araw ng buhay. Isinantabi ang hiya para sa pamilya kailangan kumain, kahit ng lugaw upang maitawid ang isang araw. At sa ilang tsuper nakaka viaje, ang pagtiyatiyaga’y kaakibat ng makadampot ng pasahero na madalang pa sa patak ng ulan. Ang pagtiyatiyaga upang maka-ipon ng binabang halaga ng boundary at pangkrudo na kailangang bakahin upang muling maka viaje sa kinabukasan. At ang natirang konting halaga ang iuuwi para may makain ang pamilya na umaasa.
Karaniwan ang ganitong sitwasyong lalo na ng tumaas ang insidente ng C19 sa bansa, ang masakit may mga taong sadyang mapanglamang sa kapwa ang gumagamit ng pwesto o ngalan ng ahensya ng gobyerno upang isahan ang kapwa upang mabuhay ng marangya. Sa haba ng pagliban sa pamamasada, maraming rota ng jeep o maging ng mga bus ang nabago upang mapaganda ang serbisyo sa mga mananakay. Nagpalabas ang LTFRB ng isang Memo No. 2021 -027, na may petsang Abril 10, 2021, na nagpapahintulot na magdagdag ng ruta na pwedeng tahakin o labasan ng PUJ. Maganda ang layunin ng ahensya, subalit sa likod ng ibig mapaayos ang serbisyo ng mga tsuper lalo ng mga PUJ, partikular sa Lungsod Quezon na may rutang Fairview – Old Sauyo – Mindanao Ave. – QMC, inayos o binago ang lumang rotang Fairview Cubao Arayat via Commonwealth Ave.
Sa pagbabagong nabanggit, nawala ang rutang Fairview-Commonwealth-Arayat upang maiwasan ang pagdami ng mga PUJ na nagtutungo sa Cubao na sanhi ng masikip na trapiko . Sa pagpapabuti ng pasada ng mga tsuper maging ng mga mananakay tila pina-ikutan ito ng ilang tiwali sa LTFRB at MMDA at ginawang gatasan. Ang inilabas na Memo na nag bago sa rotang nabangit tila hindi kaaya-aya sa ilang tsuper na naalis ang takbo sa kahabaan ng Commonwealth hanggang Cubao Arayat. Sa di masabing dahilan ang bagong Memo na nilabas’y tila binagong muli ng ilang tiwaling tauhan o ginagamit ang ngalan ng LTFRB upang mapagbigyan ang ilang tsuper/operator na ibig ang rotang Fairview – Commonwealth – Arayat dahil sa mahaba ito, mas malaki ang kita.
Sa bagong ruta ng PUJ sa QC na inilabas ng LTFRB, para bang may isang Memo ang lumabas na ibinabalik ang lumang rota, na may basbas ng nagngangalang JackMa at isang alyas Larry na kumukolekta sa mga tsuper sa rotang binangit ng P250.00 kada linggo, para sa una at P150.00 para sa pangalawa, sa bawat PUJ na pumapasada. Labas pa ang P1,500.00, kada buwan na padulas galing sa mga operator upang hindi magambala ang pasada ng kanilang PUJ. Hindi pa kasama ang lingguhang padulas na for the Boys na pagtitiyak ng malayang pamamasada ng mga tsuper sa rotang nabangit. Mayroon din timbrehang nagaganap kung mayroong mga operation ang LTFRB o MMDA sa nasabing mga lugar. Ang masakit hindi na nagagalaw ang mga tsuper na pumapasada sa lumang rota, ipinagmamalaki pa na naka timbre ito sa ahensya at sa MMDA.
Lumalabas na out of line at kolorum na mga PUJ sa rotang Fairview – Commonwealth – Arayat, na kung magkaroon ng aksidente, malinaw na hindi ito kikilalanin ng mga insurance company dahil wala ito sa rotang binabangit sa kontrata. Pangalawa, malinaw na nakikipag-agawan ito sa kita ng mga lehitimong tsuper na hirap ng makabuo ng boundary at pang krudo sa dalang ng pasahero at dami ng mga PUJ. May pagkakataon pa na hinuhuli ang PUJ na may prangkisa sa nasabing rota at hinahanapan ng butas upang hindi makapamasada. Nariyan na sinisita ang mga lehitimong tsuper kung hindi sumusunod sa pagsusuot ng face mask, pagkakaroon ng social distancing sa loob ng jeep at kung anu-anong dahilan ng mabawasan ang pumapasada at ng malayang makapasada ang nagtongpats na grupo.
Hirap ang mga tsuper ng Cubao Arayat – QMC, sa kunat ng pasahero lalo sa panahon ngayon, eh nariyan pa ang ilang tiwali na tauhan ng LTFRB na nakipagsabwatan sa kapwa tiwali, upang isulong ang pansariling pagnanais. Madaling malaman ang mga PUJ na may proteksyon, may marker na kulay asul at berdeng sticker na nakakabit sa harapang salamin.
Isang maliit itong usapin, ngunit sumasalamin sa mas malaking kaganapan sa pamahalaan na kung saan ang mismong mga opisyal ang sangkot. Sanay ito sa pagtatago sa mga legal na kautusan na pinaiikot at ang siyang karaniwang gawa upang isulong ang sariling interes. Tila isa itong maruming tubig galing sa itaas na rumaragasa pababa na sino man ang madaana’y narurumihan, at ito ang ginagaya ng nasa baba na nakikita sa gawa ng nasa itaas. Kung barya barya ang kita ng nasa baba, tiyak na buo buo ang patong ng nasa itaas na pwede ng sabihin na pang retiro, eh ano pa..
Sa totoo lang, maliit itong usapin ngunit ang nasa laylayan ng lipunan ang umaaray at humihingi ng tamang pagtingin. Sa haba ng tama ng pandemya’y kanilang pinasan, heto lumalapit sa iyo, Chairman Martin Degra III at kay Exec. Director Maria Kristina Cassion na linisin ang hanay ninyo na dumudungis sa ahensya. Madaling malaman kung sino si JackMa, sibakin ng di pamarisan. Simulan ipatupad ang malinis na pamamahala sa inyong ahensya.
At sa MMDA, hanapin ang isang alyas Larry na namumunini sa paggamit ng pangalan ng ahensya. Huwag ipagwalang bahala ang pagsamo ng mga tsuper na umaapila sa inyo upang kahit na sa gipit na kalagayan, ang inyong pagkalinga’y maramdaman. Alisin ang padulas sa mga tsuper ng PUJ na harimunan sa paglabas… Inaasahan ang inyong aksyon sa kalembang ng Batingaw.
Maraming Salamat po!!!