Advertisers

Advertisers

`Dissenting’ ni Guanzon sa Bongbong case, balewala na

0 171

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit ang mga taong dapat sana’y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin’…” (si Jesus, sa Mateo 9:11-12, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

PAGPAPALABAS NG “DISSENTING OPINION” NI GUANZON SA BONGBONG MARCOS CASE, BALEWALA, DAHIL WALA PA NAMANG BASEHAN SA BATAS ANG NASABING OPINYON: Wala na ding buting idudulot kung ilalabas man ni retiring Commissioner Rowena Guanzon ng Commission on Elections ang kaniyang mga pananaw sa kasong disqualification laban kay dating Sen. Ferdinand Marcos Jr., noong Lunes, 31 Enero 2022.



Ito ang pananaw ng maraming mga abogado at mga retiradong hukom na nagpahayag ng kanilang saloobin sa ginagawa ngayon ni Guanzon sa poll body, upang maisapubliko ang kaniyang pagkontra sa kandidatura ni Marcos bilang pangulo sa Halalan 2022.

Ayon sa mga nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas sa kondisyong hindi ilalabas ang kanilang mga pangalan, walang batayan ang sinasabing dissenting opinion ni Guanzon sa Marcos case dahil lumilitaw wala pa namang desisyong isinulat ang iba pang mga commissioners ng poll body tungkol sa kaso.



Dahil wala pang desisyon ang ibang mga commissioners, at hindi pa alam kung ano ang magiging pasya ng mga ito kung idi-diskuwalipika o papayagan si Marcos sa kaniyang kandidatura, wala pang batayang legal ang anumang sinasabing dissenting opinion ni Guanzon.

Sa pananaw ng isang retiradong hukom, ang isang dissenting opinion ay pupuwede lamang ilabas o di kaya ay isa-publiko kung mayroon ng inilabas na pasya ng mayorya ng mga kasama ng commissioner na gustong tumutol sa anumang kapasyahan ng nakararaming commissioners.



-ooo-

ILEGAL, AT LABAG SA BATAS, ANG PAGMAMADALI NI GUANZON NA ILABAS ANG KANIYANG PAGKONTRA SA KANDIDATURA NI BONGBONG MARCOS: Sa kaso ni Bongbong Marcos, wala pa namang inilalabas ang iba pang mga commissioners na kasama ni Guanzon sa kaniyang dibisyon, gaya na din ng sinasabi ni Commissioner Aileen Ferolino.

Ito ang dahilan kaya walang karapatan si Guanzon na maglabas ng kaniyang dissenting opinion, o ng kaniyang pananaw sa kandidatura ni Marcos, anuman ang nais niyang itawag sa kaniyang nasabing pananaw.

Ilegal at labag sa batas ang gagawing pagpapalabas ni Guanzon ng isang opinyon na sinasabi niyang tutol sa desisyon ng nakakaraming mga commissioners kung wala pa naman siyang matututulan, kasi wala pang majority decision.

Pinuna ng mga abogado at mga retiradong hukom ang mga ikinikilos ni Guanzon sa kaso ni Marcos bilang mga pagkilos ng isang opisyal ng gobyerno na nagnanais saktan ang isang partido ng walang sapat na batayan.

-ooo-

BATAS SA KORAPSIYON, NILABAG NI GUANZON SA KANIYANG MGA IKINIKILOS SA MARCOS CASE: Nauna ng ibinisto ni Atty. George Briones, ang pinunong abogado ng Partido Federal ng Pilipinas, ang partido ni Bongbong Marcos, ang katotohanang napakalaki ng pagnanais ni Guanzon na pinsalain si Marcos dahil malaki ang utang loob ng commissioner sa pamilya Aquino, ang long-time political at real-life enemy ni Marcos at ng kaniya namang pamilya.

Tinukoy ni Briones ang pagiging OIC mayor ni Guanzon ng Cadiz City noong 1986, kung saan ang nagtalaga sa kaniya sa posisyon ay ang namayapa ng si Pangulong Cory Aquino. Noon namang 2013, ayon pa din kay Briones, itinalaga naman si Guanzon ng anak ni Cory, ang Pangulong Noynoy Aquino, bilang commissioner sa Commission on Audit, at, noong 2015, bilang commissioner ng Comelec, ang kaniyang kasalukuyang posisyon.

Dapat ay noon pa nag-inhibit si Guanzon sa paghawak sa kaso ni Bongbong Marcos, dahil kita ang pagkakaroon niya ng matinding dahilan upang hindI maging parehas ang kaniyang pagpapasya, ayon naman sa mga abogado.

Sabi nila, maraming nilabag si Guanzon, doon pa lamang sa hindi niya pagbibitiw bilang kasapi ng dibisyon ng Comelec na didinig sa kaso laban kay Bongbong Marcos. Nilabag din ni Guanzon ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019, dahil ginawan niya ng di makatwirang-pinsala si Marcos, at dahil binigyan niya ng di makatarungang biyaya ang mga kalaban ni Marcos.

Matindi ang utos ng mga batas at ng Korte Suprema sa mga tumatayong hukom o ng sinupamang opisyal ng gobyerno na magpapasya sa karapatan ng mga nagtutunggaling mga tao na maging pantay sa kanilang mga pagpapasya, at kung meron kahit konti lamang na isyu na kukuwestiyon sa kakayahan ng isang hukom na maging parehas, marapat na agad na itong magbitiw sa pagiging hukom ng nasabing usapin.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.