Advertisers

Advertisers

Rapper, binaril-patay ng 3 gunmen

0 971

Advertisers

Patay ang isang rapper nang pagbabarilin ng tatlong lalak sa harapan ng dental clinic sa Muntinlupa City nitong Lunes, Pebrero 21.

Sa ulat, 9:19 ng gabi nang bawian ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa ang biktima na kinilalang si Jomer Galicia y Ramirez, alyas OG Kaybee, 32, residente sa Dama De Noche Street, Arellano Avenue, Singalo, Manila, sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Patuloy pang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng tatlong salarin na pawang nakasuot ng puti na t-shirt at maong pants, nakasakay sa puti na van.



Sa isinumiteng ulat sa Southern Police District nina CMS Mark Sherwin Forastero at CMS Dindo Amparo, mga imbestigador ng Investigation and Detective Management Section ng Muntinlupa City Police, naganap ang pamamaril sa Alabang Viaduct, harapan ng Dental Clinic, Brgy. Alabang, 8:00 ng gabi.

Ayon sa salaysay ng mga saksi na sina Benzon Malubay, 36, online seller/rapper; at Marlon De Guzman, 32, Disk Jockey, na kasama nila ang biktima na nagpunta sa isang clothing store sa 1404 National Road, Alabang, Muntinlupa City.



Sa pagbalik nila sa kanilang sasakyan na black Toyota Avanza na may plakang AAL-2193 na nakaparada sa lugar, biglang huminto sa kanilang tabi ang isang puti na van na sakay ng tatlong salarin at biglang pinaulanan ng bala ang biktima gamit ang hindi pa batid na kalibre ng mga baril.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin patungong Southbound Alabang, Muntinlupa City.



Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng Alabang Police Sub-Station at ng Alabang Rescue Team na nagdala agad sa biktima sa pagamutan subalit binawian ng buhay kalaunan sa deklarasyon ng attending physician na si Dr. Lawrence Domingo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ang biktimang si Galicia, dating naharap sa kasong murder at nakulong sa Manila City Jail magmula 2013 at na-dismiss noong 2018.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga pulis sa naturang kaso para sa posibleng pagtukoy at pag-aresto sa mga salarin.(Gaynor Bonilla)