Advertisers
SA laban ng Gilas kontra sa Tall Blacks ay ilang ulit narinig sa Big Dome ang chant ng tao para sa dating head coach na si Tab Baldwin.
“We want Tab!” Yan ang dumagundong sa Araneta Coliseum at tiyak nasagap yan ng mga tenga nina Coach Chot Reyes at ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Tambak kasi ang Pilipinas kontra sa New Zealand noong Linggo. 88- 65 pabor sa Kiwis.
Masama na nga opensa natin tapos kapos din sa depensa. Hindi pa kamo yan ang the best ng NZ.
Hanggang ngayon kasi ay hindi maliwanag ang pag-exit ni Coach Baldwin at pagpasok muli ng TNT mentor.
Kesyo kasalanan daw ni Baldwin ang pagkawala ng ilang player sa training pool. Puro haka-haka lamang.
Pagputok pa lang ng paglisan ng Amerikano-New Zealander tactician ay marami na nagduda. Paatras daw tayo sa preparasyon sa halip na umabante.
Nawa’y maayos ito ni Manny Pangilina at bright boys niya sa SBP lalo’t batid na nila ang sentimiyento ng taong-bayan.
Ganoon talaga pagnatatalo ang koponan. Hanap ng masisisi. O may dapat talagang managot sa masamang game natin.
***
Nakakalungkot at nakakatuwa ang pagsisimula ng unrestricted free agent status ng mga cager ng PBA. Sa NBA ay matagal na itong pinatutupad.
Masaklap sa ilang team na nagdevelop ng basketbolista na mawawala rin pala later sa kanila.
Masaya naman ang basketeer na makakapili na ng pangkat kung saan niya gusto mapabilang.
Pinakalatest nga si Jericho Cruz na mula NLEX ay pa-SMB na. Ang 31 na anos na dating Falcon ay magiging bahagi na ng Beermen. Nais umano niyang makalaro sa pro league sa ilalim ng ex-coach niya sa Adamson na si Leo Austria.
***
Noong isang taon ay umalma si LeBron James sa play-in tournament ng NBA. Mangyari ay pampito sila sa regular season nguni’t kinalilangan pa nilang kalabanin ang Golden State bago sinagupa ang Phoenix sa unang round.
Pero ngayon dapat pasalamat si King James sa format dahil kahit pangsiyam lang ang Lakers ay may pag-asa sila sa playoffs via the new system. Hehe.