Advertisers
BUKAL sa kalooban ni boxing icon Manny Pacquiao ang maglingkod sa buong sambayanang Pilipino.
Ang rurok ng tagumpay na naabot ng ‘classic example’ ng -from rugs to riches -na si Pacman ay di matutularan o masasapawan ninuman kahit sa buong mundo na ang pag-uusapan.
Alam na ng kanyang kababayan at ng lahat nang nakakakilala sa kanya saan mang panig ng daigdig lalo ngayong panahon na ng social media kung paano siya nagsimulang gumapang at isang kahig-isang tuka sa pagka-maralita noong siya’y musmos pa lamang sa kanyang sinilangang DADIANGAS (General Santos City) hanggang sa phenomenal na pamamayagpag ng iniidolong Pinoy pug sa LAS VEGAS.
Kahit na nga makinang pa sa ginto ang kapalaran ni 8-division world boxing champion Pacman, nanatiling angkin nito ang pagka-mababang kalooban at ang biyayang nakakamit ay di niya sinasarili. Aniya’y blessings ito mula sa PANGINOON kahit na pinaghirapan niya ito mula noon hanggang ngayon.
Taos sa kanyang puso ang pamimigay ng grasya sa mga mas nangangailangan mula sa kanyang balwarte at nais niya ay kahit sa buong kapuluan.
Tutal nga naman ay tiyak na ang ginhawa sa buhay ng kanyang pamilya kahit sa buong life span pa nila ay di na sila dadanas ng hirap na tulad ng kanyang naranasan kaya ang mga biyayang sobra-sobra para sa pansarili ay ipinamamahagi at ipinamudmod niya kahit noong di pa niya pinasok ang larangan ng pulitika na gawain na niya lalo pag nagpapanalo sa kanyang pakikipag- bakbakan sa mga pinakamagagaling sa mundo sa kanilang pagdayo.
Sa kanyang puso at damdamin, alam ni Pacquiao na ang pagpasok niya sa pulitika ay mabisang paraan para makatulong at makapag-lingkod sa kababayan kahit na nakikinabang nang husto ay ang mga sipsip at sulsol sa kanyang paligid.
Hindi kasi sapat ang magpamudmod lamang.Ang maka-balangkas ng batas para sa mamamayan ng kanyang bansang Pilipinas ang tunay na dahilan.
Kaya lang, ang pagpasok sa pulitika ni Pacman ay nabahiran ng kulay at dahil naging public property na siya at vulnerable sa mga taong mapanira ng kapwa at hindi kumikilala ng kanyang kadakilaan.
Gayunpaman, ang mga umusbong na kalaban sa pulitika at mga taong ingrato kay Pacman ay walang panama kung pagiging dakila at bayani ng bayan ang pag-uusapan. Silang mga hangal, kupal at epalitikong nagsiyaman sa pangungulimbat sa kaban ng bayan dahil sa KAPAL ng mukha sa maskarang kunwari ay maka-masa. Habang ang billion fortune ni Pacquiao ay galing sa kapal at lakas ng kamao at pakikipag-basagan ng MUKHA sa pandaigdigang arena na ligal, tapat at hindi dekwat.
Ngayon ay hangad ng Pambansang Kamao na pamunuan ang aniya’y minamahal niyang kababayan.
Mabigat ang kanyang laban sa pulitika kung saan di sapat ang naiambag na karangalan at tapat na kaloobang pamunuan ang mamamayang watak-watak sa paniniwala sa hiwa-hiwalay na isla at gumon sa kulturang maabutan lang ng pilak sa sandali ng katotohanan ay bahala na si Batman, di ba aydul Pacman? Iyan ang nais gibain ni Pacman kung sakali man..mga switik,kurap at mga ugok ang utak sa pamayanang di makaahon sa lugmok dahil sa kanila…Kayo na ang humusga sa Mayo kababayan… ABANGAN!