Advertisers
TARGET nina Carl James Martin at Charly Suarez – dalawa sa prominenteng pangalan sa local professional boxing – na mapataas pa ang katayuan sa ibabaw ng lona para sa hinahangad na world ranking at international boxing promotions.
Itataya ng dalawang ‘Philippine pro boxing future’ ang imakuladang karta sa magkahiwalay na co-main event ng ‘Ultimate Knockout Challenge’ sa Marso 12, 2022 sa promosyon ni Ms. Cucoy Elorde at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB) sa makasaysayang Elorde Sports Complex sa Sucat, Paranaque City.
Haharapin ng 22-anyos na si Martin (18-0, 15 KOs), tinaguriang Ifugao ‘Wonder Boy’, ang matikas ding si Ronnie Baldonado (15-2-1,9 KOs) para sa WBA Asia Super Bantamweight title. Nakataya rin sa laban ang Philippine GAB Super Bantamweight title ni Martin.
“Mentally and physically ready na po ako. Malakas po ang kalaban ko, pero ayos naman po ang preparation namin at yung program, ng training nagawa naman po namin,” sambit ni Martin sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organizations in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.
Hindi alintana ni Martin na ang dating two-division world champion na si Luisito ‘Lindol’ Espinosa ang humawak sa training camp ni Baldonado.
“Pinaghandaan din po namin yun. Hindi basta basta yung kaalaman ni Sir Louie sa boxing. May ginawa kaming adjustment and hopefully effective ito,” aniya.
Puntirya naman ng 27-anyos na si Suarez, 2016 Rio Olympian, na madugtungan ang siyam na sunod na panalo mula nang maging pro fighter sa kanyang pakikisagupa sa pambato ng Omega Boxing Gym sa Cebu na si Tomjune Mangubat (15-2-1, 12 KOs) para sa WBC Asia Super Featheriweight fight.
“Mas bata at veteran itong kalaban ko kaya doble ang ensayo ko. May awa ang Diyos at maipagpatuloy ko yung pro career until makakuha ng chance para sa world championship,” sambit ni Suarez, halos isang dekada naging miyembro ng Philippine Team.
“Yung experience ko sa PH team malaking bagay yun,pero iba yung sitwasyon sa pro kaya hindi puwede ang kumpiyansa, Kung may pagkakataon na kunin ng mas maaga gagawin ko,” ayon kay Suarez sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.
Parehong kalmante at mahinahon sa kanilang pagpapahayag ang dalawa na kapwa kumpiyansa na magagawang matapos ang laban sa knockout.
Sa kasalukuyang, wala pang malaking promosyon ang humahawak sa career ng dalawa, ngunit naniniwala si Martin na bukas ang oportunidad para sa mga tulad nil ani Suarez.
“Sa ngayon, nasa proseso pa rin ng pakikipag-usap sa mga taong nais tumulong sa amin. Naka-programa naman po ang lahat, hindi naman po ako nagmamadali kung para sa akin makukuha ka ang inaasam ko,” sambit ni Martin.
Iginiit naman ni Suarez na mahalaga sa isang atleta ang magkaroon ng disiplina, magandang pakikitungo sa kapwa at sa mga opisyal, gayundin ang dedikasyon sa pagsasanay.
“Ako po open-minded para nakukuha ko ang lahat ng mga sinasabi sa akin, Kung mabuti tangapapin ko kung alam kong makakasama, itapon ko lang. Yung talent kasi maaayos at mababago yan,pero yung pag-uugali walang mararating kung hindi mo ipapasa Diyos ang lahat,” pahayag ni Suarez. (Danny Simon)