Advertisers

Advertisers

Bong Go, pinuri batas na nagbibigay ng night differential pay sa gov’t employees

0 394

Advertisers

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa Republic Act No. 11701 na nagbibigay ng night differential pay sa mga empleyado ng gobyerno na nagtatrabaho sa pagitan ng 6:00 p.m. hanggang 6:00 a.m.

Ang batas na nilagdaan ni Duterte ay inilabas noong Lunes, Mayo 16. Sa ilalim ng batas, ang mga empleyado ng gobyerno na may posisyon bilang chief division at mas mababa, maging permanente man, kontraktwal, pansamantala o kaswal, ay dapat bayaran ng night differential pay na hindi hihigit sa 20% ng kanilang basic hourly rate.

Ang hourly basic rate ay tumutukoy sa basic salary rate kada oras na nakukuha sa pamamagitan ng paghahati sa basic monthly rate sa 22 working days at paghahati sa quotient na nakuha sa walong oras.



Hindi dapat bawasan ng RA 11701 ang iba pang benepisyo o allowance na kasalukuyang nakukuha ng mga sakop na empleyado ng gobyerno.

“Sa pagpasa ng batas na ito, inaasahan natin na magiging effective at efficient ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Go.



“Kami naman po sa gobyerno ay talagang wala pong pahinga sa paglilingkod sa bayan. Kaya naman nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasatupad nito,” patuloy niya.

Samantala, ang mga empleyado ng gobyerno na ang oras ng opisina ay mula 6:00 a.m. hanggang 6:00 p.m. ay hindi sakop ng batas. Sa halip, bibigyan sila ng overtime pay kung magtrabaho sila nang lampas sa kanilang regular na iskedyul ng trabaho.



Ang mga empleyado ng gobyerno na ang mga serbisyo ay on-call 24 oras sa isang araw, tulad ng mga unipormadong tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Fire Protection, bukod sa iba pa, ay hindi rin sakop ng batas.

“Ito po’y pagkilala natin sa mga sakripisyo ng ating mga kawani ng gobyerno para sa bayan. Alam ninyo, napakahirap po lalung-lalo na po ‘yung health workers natin sa panahon ng pandemya. Bigyan po natin kung ano ang nararapat sa kanila. At kung ano po ‘yung pwedeng ibigay sa kanila na pondo po ng gobyerno, ibigay po natin sa kanila,” ani Go.

Ang Civil Service Commission, katuwang ang Department of Budget and Management, ay dapat maglabas ng mga tuntunin at regulasyon para sa epektibong pagpapatupad ng Batas.

“Alam n’yo, napakaliit na halaga lang po ‘yan para sa mga nagsasakripisyo para sa ating mga kababayan. So, uulitin ko, ibigay dapat ng gobyerno ang para sa mga empleyado lalo na sa mga nagsasakripisyo na malampasan natin itong pandemyang ito,” ayon kay Go.