Advertisers
UMAASA si Senator Christopher “Bong” Go na isusulong ng susunod na pangulo ng Senado ang magagandang programa ng administrasyong Duterte sa pamamagitan ng pagpapasa ng panukalang inuuna ang kapakanan ng mga nahihirapang Pilipino.
“Sabi ko nga, makakapagpatuloy ng magagandang programa, ‘yung uunahin ang kapakanan ng mahihirap. Mga programang makakatulong na maiahon ang ating bayan mula sa pandemya ng COVID-19 and, of course, s’ya po yung leadership by example,” ang tugon ni Go nang tanungin kung anong mga katangian ang dapat taglayin ng susunod na pangulo ng Senado sa isang panayam matapos niyang personal na tulungan ang mga nasunugan sa Barangay UP Campus sa Diliman, Quezon City.
“Isang boto lang naman po ako pero pipiliin ko po kung sino po ang makapagsusulong at makapagpapatuloy ng magagandang programa ni Pangulong (Rodrigo) Duterte during his term (as SP),” dagdag niya.
Sinabi rin ng senador na ang susunod na pangulo ng Senado ay dapat na isang taong iginagalang ng mamamayang Pilipino at mananatili sa paggalang na iyon sa Senado.
“‘Yung rerespetuhin po natin. Makapagbibigay po ng respeto sa amin sa Upper Chamber,” anang senador.
Sakaling magkaroon ng supermajority, tiniyak ni Go sa publiko na mananatiling independent ang Senado. Sinabi rin niya sa mga Pilipino na mananatili siyang “quietly working senator”.
Nang tanungin kung nahingan na siya ng suporta ng kapwa senador na tumatakbo sa pagkapangulo ng Senado, sumagot si Go na hindi ito maiiwasan.
Gayunpaman, sinabi niya na wala pang pinal na desisyon na gagawin hanggang sa pagbubukas ng susunod na sesyon ng Senado.
Nang tanungin kung gusto pa rin niyang mamuno sa Senate health committee, sumagot si Go na ikalulugod niyang maglingkod sa kanyang bansa saan man siya maaaring maging kapaki-pakinabang at makatutulong.
“Sabi ko, kung saan po ako makakatulong sa mga kababayan natin lalo na sa mga mahihirap, I’m willing to accept the challenge po,” ani Go.