Advertisers

Advertisers

Susan may bilin bago yumao kay Sen. Grace

0 399

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

SA programang KMJS ni Jessica Soho, nagkaroon ng pagkakataon ang respetadong Kapuso journalist na makapanayam si Senadora Grace Poe sa wake ng “Queen of Philippine Movies” na si Susan Roces.
Ayon sa senadora, bago pa man pumanaw ang ina due to cardiac arrest, may mga paramdam na raw ito.
Noon daw panahon ng pandemya, marami na raw itong ibinibilin sa kanya tulad ng mga property nito.
May hirit din itong dalawin daw nila ang ancestral house nila sa Baguio kasama ang pamilya at mga anak nito para magbakasyon doon.
May mga pagkakataon nga raw na hindi na ito kumakain at titikim lang ng mga pagkain dahil lagi itong walang gana.
Minsan daw ay pinipilit pa nila itong magpa-check up sa doctor pero todo tanggi raw ito.
May mga pagkakataon ngang nag-worry siya na nagka-Covid na ang ina.
Sa laboratory tests, wala raw naman silang ikinaalarma dahil normal naman daw ang resulta ng kanyang pagsusuri kaya kahit paano ay napanatag ang kanyang loob.
Aniya, sa pagyao ng ina, mapapanatag na rin daw siya dahil makakapiling na rin nito ang kanyang namayapang ama sa langit.
Marahil daw ay kagustuhan na rin ni Manang Inday (Susan) na tumawid na sa kabilang buhay para makasama ang dating hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.
Kung meron man daw siyang konting ‘regrets’, ito ay iyong ilang panghihinayang na tulad ng mga naiwan na nagkulang sila dahil hindi nila gaanong naka-bonding ang kanilang ina dahil sa kaabalahan sa trabaho.
Kaya naman, nagpayo rin siya sa mga anak na kung may sasabihin o gagawin sila para sa kanilang mga magulang, huwag na silang magpatumpik-tumpik sabihin o gawin habang buhay pa ang mga ito.
Isa rin daw na naiisip na relief niya ay dahil aprubado na ang Foundling Law na masasabi niyang nag-materialize lang ng ang kanyang ina ay umalma noon sa pag-question sa pagiging ampon niya noong tumatakbo siya sa presidency.
Bukod kasi sa citizenship, nayuyurakan din ang kanyang pagkatao dahil sa pagiging ampon ng mga Poe na itinuring naman siyang anak.
“Kaya nga nu’ng sinasabing, ‘Hindi ka pwedeng tumakbo dahil ikaw ay hindi natural born citizen kasi dampot ka lang.’ Nagalit siya, nasaktan, siyempre ‘di ba?” pagbabalik-tanaw ni Poe.
Hirit pa niya, nang maisabatas na raw ang Foundling Law na nagbibigay ng mga karapatan sa mga batang inabandona ng kanilang mga magulang, sobra raw siyang natuwa kaya ibinalita niya ito sa ina.
Masaya raw naman ang naging reaksyon nito at kinongratulate pa nga raw siya.
“Sabi ko, ‘No, mom. Congratulations to you! Because of our case and because of your diligence,’ ‘yung pagiging maayos niya na siguradong dapat ‘yan nasa ayos ang mga papeles niya, nagkaroon ng basehan ang mga lehislaturang ganitong klase,” pagbabahagi niya. “Siguro sinasabi niya sa tatay ko, ‘O Ronnie ha tapos na ako dito. Hindi na aapihin ang anak mo. Recognized na ‘yan at ‘yung mga ibang bata na katulad niya,’” pahabol niya.