Advertisers
PARA matiyak na maipapamahagi sa mga magsasaka ang kanilang lupang sinasaka nagsagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng tatlong araw, Mayo 23-25, 2022, na validation activity sa 236 agrarian reform beneficiary (ARB) sa Barangay Tinang sa bayan na ito upang maipamahagi sa kanila ang indibidwal na titulo ng lupa at ma-install sila sa 200-ektaryang DPPI landholdings.
Sinabi ng DAR ang validation ay ang pakikipag-usap ng personal sa mga ARB upang maipakita nila ang mga dokumentong nagpapatunay sa kanilang pagkakakilanlan at ang relasyon nila sa lupain.
Ayon kay External Affairs and Communication Operations Office Assistant Secretary John Laña na ang aktibidad na ito ay para sa kapakanan at karapatan ng mga ARB.
“Pagkatapos namin kayong makilala at malaman ang relasyon sa lupain, gagawin natin ang mga susunod na hakbang upang maibigay sa inyo ang titulo at mailagay kayo bilang mga may-ari ng lupa,” ani Laña.
Kaugnay nito idinagdag pa niya na kailangan ng DAR na sundin ang legal na proseso upang ang mga tatangaping lupa ay lehitimong maipamimigay.
Samantala bawat ARB ay tatanggap ng may tantiyang sukat na mahigit 8,000 metro-kwadrado mula sa lupain.
Bunsod nito inilahad ni Malayang Kilusang Samahang Magsasaka ng Tinang Chairman Felino Cunanan Jr. na siya ang humiling na sila ay ma-isyuhan ng indibidwal na titulo ng lupa.
“Noong 1995, naipamigay sa amin ang lupain sa pamamagitan ng collective certificate of land ownership award. Subalit ang Tinang Multi-Purpose Cooperative ang nakikinabang sa lupain, hindi kming maliliit na magsasaka” paglalahad niya.
Idinagdag ni Cunanan na ang pag-aari ng indibdwal na titulo at ang personal na maitalaga sa lupain ay mgpapalakas sa kanilang karapatan at pag-aari sa lupain.(Boy Celario)