Advertisers
TINAWAG na benggador ng mga tagasuporta ni President-elect Bongbong Marcos ang administrasyon ni Manila Mayor Isko Moreno at ni Vice Mayor Honey Lacuna nang gibain ang dalawang barangay hall sa Maynila.
Kinondena nina Chairman Aileen Rosales ng Brgy. 367, Zone 37; at Chairman Joey Uy Jamisola ng Brgy. 306, Zone 30, kapwa sa Distrito 3 ang ginawang paggiba ng demolition team ng Manila City Hall sa kanilang mga barangay hall.
Ayon kina Jamisola at Rosales, hindi naging makatwiran ang paggamitan ng maso at pala sa mga nakatayong barangay dahil ito ang nagsisilbing tanggapan ng mga constituent na nangangailangan ng tulong at gabay mula sa mga tauhan ng barangay.
Napag-alaman na noong nakalipas na linggo, nagpalabas ng Notice of Demolition ang Engineering office ng City hall, na nag-aatas na sa loob ng 5-araw kailangan umanong bakantehin ang mga naturang barangay hall dahil sagabal umano ito sa trapiko at pedestrians.
Sinasabing pawang mga kilalang mga tagasuporta ni Ferdinand Bongbong Marcos, Jr., sina Rosales at Jamisola na tumakbo bilang mga konsehal noong nakaraang May 9 eleksyon sa ilalim ng UniTeam.
Sinabi nila Rosales at Jamisola, na ang panggigipit ng kampo nina Isko at Lacuna, isang malinaw na political harassment dahil talo si Isko sa pagka-pangulo lalo sa kanilang barangay.
Duda rin ang kampo nina Rosales at Jamisola na pinersonal sila ng kasalukuyang administrasyon sa Maynila dahil sa pagsasampa ng electoral protest ni Atty. Alex Lopez nitong Lunes na kilalang kapanalig ang dalawa laban kay Lacuna.
Kinuwestiyon ng dalawang kapitan na bakit ngayon lang nasilip na sagabal ang kanilang barangay hall kung saan may apat na dekada na itong nakatayo at napakikinabangan ng kanilang mga constituents.