Advertisers
Nakuhanan ng higit sa P27 milyon halaga ng shabu ang isang ginang na nasa listahan ng high-value drug suspect sa isinagawang operasyon sa Lapu-Lapu City.
Kinilala ni Police Regional Office-Visayas (PRO-7) chief Roque Eduard Vega ang suspek na si Eleonor Tagra Quistadio, na kilala bilang “Madam Aya”, ng St. Christine, Lianga , Surigao del Sur.
Sa pinagsamang operasyon ng Lapu-Lapu City Police Office’s City Intelligence Unit, Special Weapons and Tactics, at Regional Police Drug Enforcement Unit-7, nadakip ang suspek Lunes ng gabi sa Sitio Sangi, Barangay Pajo, Lapu-Lapu City.
Ayon sa pulisya, isa sa high value target si Madam Aya at isinailalim ito sa dalawang linggong surveillance saka ikinasa ang buy bust operation.
Nakuha sa suspek ang 4 na kilong shabu na umabot sa P27.2 milyon.
Sinabi naman ni Lt. Col. Jul Mohammad Jamiri, Lapu-Lapu City police intelligence unit chief, na nakatanggap siya ng report sa talamak na pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek sa Visayas at Mindanao.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Quistadio .