Advertisers
NADAKIP ng Bureau of Fire Protection ( BFP) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nagpapanggap na bumbero na nambibiktima ng mga establisimyento sa NCR, Region 4A, Region 3 at Region 2.
Ang suspek na iniharap sa media ay kinilang si Cherry Grace Agustin De Leon, 27 anyos.
Ayon kay BFP Chief, Director Louie Puracan, marami nang nabiktima si De Leon. Mayroon pa itong mga kasamahan na hinahanap ngayon sa kanilang follow up operation.
Ibinunyag ni Puracan ang modus operandi ng grupo na nag-iikot sa mga business establishment at nagpapanggap na mga bumbero na nagsasagawa kunwari ng fire safety inspection at irerekomenda na palitan o i-refill ang kanilang fire extinguisher at sinisingil ang mga may-ari pero pekeng resibo ang iniisyu ng mga ito.
Naaresto si De Leon sa bisa ng warrant of arrest sa kasong 4 counts ng Usurpation of Authority at 4 counts ng Estafa sa Quezon City Prosecutors Office.
Pinaalalahanan ni Poracan ang mga may-ari ng establisimyento na huwag agad maniniwala sa mga nag-iinspeksyon na mga bumbero dahil baka modus ito.
Dagdag pa ni Puracan mahigpit na ipinagbabawal sa mga kawani at opisyal ng BFP ang pagbebenta at pagre refill ng fire extinguishers.
Aniya, dapat hanapan ng mission order ang bumbero, na magpapatunay na lehitimo ang isinasagawang inspeksyon.