Advertisers

Advertisers

SELOSONG PULIS NAMARIL: 2 SAPUL!

0 268

Advertisers

NASA ‘hot water’ ngayon ang isang pulis nang barilin ang isang construction worker na ikinasugat ng isa pa dahil sa selos sa babaeng nililigawan ng una nitong Linggo sa Bacolod city.

Dinakip ng kanyang mga kabaro ang salarin na kinilalang si Master Sergeant Jeff Desucatan, 37 anyos, desk officer ng Bacolod Police Station 2, at residente ng RPHS Barangay Alijis ng naturang lungsod.

Nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang mga biktimang sina Richard Jimenez, 30, residente ng Ciocon Rd. Brgy. 26; at Jorem Sibug, 24, ng Purok Star Apple, Brgy. 27.



Ayon kay Police Major Richie Gohee, hepe ng Bacolod Police Station 4, 12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Rizal St. Barangay 26.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang pulis sa lugar para bisitahin ang dating kasintahan ni Jimenez. Nakasalubong nito ang huli na nakamotorsiklo at nabangga siya na ikinagalit ng pulis.
Dito, binunot ni Desucatan ang kanyang Glock 17 service firearm at pinagbabaril si Jimenez na tinamaan sa paa.



Sa kabila ng tama ni Jimenez, tinangka nitong kumuha ng bote at ipapalo sana kay Desucatan kaya muling nagpaputok ito at tinamaan na sa ilalim ng pusod si Sibug.

Kaagad dinala sa ospital ang mga biktima para lapatan ng lunas, habang nagtago naman sa bahay ng babae si Desucatan sa takot na kuyugin ito ng mga residente.



Rumesponde ang mga tauhan ng SWAT Team Bacolod City Police Office (BCPO) sa pangunguna ni Gohee. Sumuko si Desucatan at tinurn-over niya ang kanyang service firearm.

Nabatid na matagal nang may alitan sina Desucatan at Jimenez dahil sa babaeng dating kasintahan ng biktima.

Sinabi ni Police Lt. Col. Sherlock Gabana, tagapagsalita ng Bacolod City-PNP, na posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo si Desucatan.

Habang sinusulat ang ulat na ito, hindi pa inalis sa puwesto si Desucatan habang nakabinbin ang ginagawang imbestigasyon.